Ngayong araw, January 23, ang last shooting day ng Bato, The Gen. Ronald Dela Rosa Story.
Pero sa January 30 na ang playdate sa mga sinehan ng pelikulang pinagbibidahan ni Robin Padilla.

Ang Bato ang isinalin sa pelikula na kuwento ng buhay ng former Philippine National Police Chief na kakandidato na senador sa midterm elections sa May 2019.
Mag-uumpisa sa February 12 ang campaign period ng mga senatoriable, at ito ang pangunahing dahilan kaya kailangan nang maipalabas sa mga sinehan ang Bato.
Si Efren Reyes Jr. ang gumanap na Mayor Rodrigo Duterte sa bio-flick ni Bato.
Si Phillip Salvador ang original choice ni Bato para sa role ni Duterte, pero hindi natuloy ang participation ng multi-awarded actor dahil sa busy schedule niya.
Kung may pelikula tungkol sa talambuhay ni Bato, isasadula naman ng Maalaala Mo Kaya at Magpakailanman ang mga life story ng senatoriable na si Bong Go at re-electionist Senator Cynthia Villar.
Si Glydel Mercado ang gaganap na Cynthia sa Magpakailanman at si Christian Vazquez ang magbibigay-buhay sa katauhan ni former Senate President Manny Villar sa episode na mapapanood sa February 9, 2019.
On the other hand, gagampanan ni Dominic Ochoa ang role ni Bong Go sa Maalaala Mo Kaya.
Mga re-electionist ding senador sina Sonny Angara at Bam Aquino.
Nauna nang lumabas si Sonny noong nakaraang buwan sa Wowowin, ang game show ni Willie Revillame sa GMA-7 at, reportedly, nag-taping na si Bam para sa Minute To Win It, ang game show ni Luis Manzano sa ABS-CBN.
May balitang maglalaro rin sa Minute To Win It si former Senator Pia Cayetano na muling kakandidato para sa nasabing posisyon.