Mula sa pagiging beauty queen ay kinarir na ni Celine Pialago ang pagiging spokesperson at assistant secretary ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Noong 2016, hinirang si Celine na spokesperson ng MMDA kaya madalas siyang napapanood sa mga television news program at napapakinggan sa mga radio station.

Noong August 2018, na-promote si Celine bilang youngest assistant secretary ng MMDA.
Dagdag pa rito, kabilang si Celine sa mga pinarangalan sa first anniversary ng The Skin Bureau, na ginanap sa Sofitel Philippine Plaza Manila, noong Sabado, January 26, 2019.
Pinangunahan ito ni Jeffrey Geronimo, isang nurse-turned-founder ng skincare brand para sa mga kababaihan at kalalakihan.
Malaking karangalan para kay Celine ang pagkilala ng The Skin Bureau sa kanyang mga kontribusyon sa women empowerment at bilang tagapag-salita ng MMDA.
Tila pambawi na rin ito sa kanyang embarrassing experience nang siya ay kumandidata sa 14th edition ng Miss Earth Philippines noong 2014.
Gamit ang tunay niyang pangalan na Pirelyn Pialagao, siya ang kumatawan para sa Dalaguete, Cebu, para sa pageant.
ON-CAM BLOOPER
Nag-trending siya noon dahil sa kanyang sagot nang tanungin ng mga reporter tungkol sa pagkahimatay ng roommate niyang nalipasan ng gutom.
Sa halip na sabihin niyang "she passed out," sa sobrang taranta ay "she passed away" ang nasabi ni Celine, kaya pinagpistahan siya ng mga basher at hater sa social media.
Hanggang ngayon, mapapanood pa rin sa YouTube ang interview sa kanya na umere sa ABS-CBN prime-time newscast na TV Patrol.
Balik-tanaw ni Celine: "Naging trahedya ang pagsali ko sa Miss Earth dahil ako yung nag-trending na instead of saying she passed out, ang nasabi ko she passed away.
"Noong time na yun, yung buddy [roommate] ko ang nag-pass out, so tinapatan na ako ng mga TV camera. Gusto ko siyang puntahan, stressed na ako.
"Ang gusto ko sanang sabihin noon, huwag kayong mag-diet kasi baka mamatay kayo. I was supposed to say that, pero hindi ko nasabi."
Hindi na raw kinorek ng nag-edit ng report ang kanyang blooper.
"Yun pa rin ang umere sa TV and I understand. Hindi ako na-trauma, pero nahirapan ako na i-redeem ang sarili ko at patunayan na hindi naman ako stupid.
"Nangyayari iyon na kahit mag-Tagalog ka, minsan nagkakamali ka ng words, but doesn’t mean na ang bobo-bobo mo, na wala ka nang karapatan na mag-English."
Pero ang kanyang unforgettable experience na iyon ang siya ring nagbigay sa kanya ng oportunidad para makapasok sa showbiz.
CELINE'S CAREER GROWTH
Dahil sa kanyang nag-trending na interview, nagkaroon siya ng TV appearances at lumabas sa mga teleserye ng ABS-CBN, 'tulad ng Super D, na pinagbidahan nina Bianca Manalo at Dominic Ochoa.
"Yun ang nagbigay sa akin ng opportunity sa showbiz. I grabbed it.
"Pero eventually, sabi ko, 'This is not for me. Babalik na lang ako na reporter ng TV4.' Kaso wala nang bakante.
"Sabi nila, mag-Liberal Party [LP] na lang ako. I worked with Liberal Party as media relations officer.
"Nagtrabaho ako kay Mayor Kid Pena ng Makati City, then lumipat ako kay [former Department of Interior and Local Government] Secretary Mar Roxas," kuwento ni Celine tungkol sa pinagdaanan niyang mga trabaho.
Patuloy niya: "E, parehas na natalo ang LP. Wala akong choice.
"Nagpunta ako sa Davao. Nag-apply ako kay President Rodrigo Duterte.
"Nakipagsapalaran ako, naglakas-loob ako na makausap si Presidente. At nag-explain ako sa kanya na ang loyalty ko, wala sa tao, nasa bansa. Na gusto kong magtrabaho base sa kakayahan ko, at nabigyan ako ng opportunity.
"Una akong nagtrabaho sa DILG, and then inilipat ako sa MMDA."
Kumpiyansa na raw ngayon si Celine sa kanyang communication skills.
"So, napatunayan ko na yung kakayahan ko na magsalita, English o Tagalog. Yung isyu ng 'she passed away,' nabura na siya.
"Dati ayoko siyang pag-usapan. Pero ngayon, kailangan para maging inspirasyon ako sa iba."
Hindi rin daw matatawaran ang natutunan niya sa Miss Earth pageant noon.
Napatunayan kasi niya ang kanyang determinasyon, dahil 210 pounds ang kanyang timbang nang mag-apply siyang kandidata ng Miss Earth Philippines 2014.
Napagtagumpayan niya ang hamon ng pageant organizers na pababain sa 150 pounds ang bigat para maging official candidate.