Ang action fantasy-epic na The Knight of Shadows: Between Yin and Yang ang ikatlong pelikula ni Jackie Chan na na-acquire ng Star Cinema at ire-release nito sa mga sinehan sa February 6, 2019.

Sinabi ni Star Cinema Development Group and New Media head Enrico Santos na subok nang kumikita sa box office ang mga pelikula ni Chan—mula sa Chinese Zodiac noong 2012 at Kung Fu Yoga noong 2017—kaya hindi sila nagdalawang-isip na maging distributor sa Pilipinas ng The Knight of Shadows, na Chinese New Year Presentation ng film company ng ABS-CBN Productions.
Ayon kay Santos, malakas pa rin ang hatak ni Chan sa Pinoy moviegoers.
Pero gustuhin man nila, hindi madaling imbitahing bumisita sa Pilipinas ang Chinese action superstar na sikat sa buong mundo para mag-promote ng pelikula.
"Kapag nakaipon na kami ni Mico [del Rosario, Star Cinema’s advertising and promotions executive] ng US$300,000 to rent the airplane. Rental ng airplane.
"He only travels by private jet and of, course, US$300,000 dollars minimum without entourage. Parang ayaw niya yatang bumiyahe ng commercial plane.
"Iba naman siya, one of the few Chinese, Asian right now to break internationally," sagot ni Santos sa tanong tungkol sa possible Manila visit ni Chan.

Nabanggit din ni Santos na PG ang classification na ibinigay ng MTRCB sa The Knight of Shadows: Between Yin and Yang kaya puwedeng-puwede itong panoorin ng mga bata.
"I think this is the most pambata movie ni Jackie Chan dahil kung ako ang tatanungin, para siyang pinaghalong Magic Temple at Ramon Revilla movies na may mga agimat, may aksyon, may creatures, may fantasy world, at real world," sabi ni Santos.
Napaisip si Santos nang itanong ng Cabinet Files ang magiging laban ng pelikula ni Jackie sa dalawang Tagalog films na magbubukas din sa mga sinehan sa February 6 at pinagbibidahan ng mga Pinoy actor na may Chinese blood din.
Si Xian Li ang lead actor ng Hanggang Kailan ng Viva Films at si Enchong Dee ang leading man ni Janine Gutierrez sa Elise ng Regal Entertainment Inc.
Pahayag ni Santos, "A, yung Hanggang Kailan? Malakas sa online yung Hanggang Kailan ano, at least sa aking mga friends. Pasok nang pasok.
"Ang Jackie Chan po ay parang tradisyon natin kapag Chinese New Year so I think may sarili nang pamilya na market yon.
"Ang mga teenager at ang mga gustong mag-date can go to Elise and Hanggang Kailan, pero itong The Knight of Shadow, kaladkarin ng bata. Talagang yung kuwento, pambata.
"Nagsimula siya na pambata, pampamilya, 'tapos nag-ala Magic Temple siya with karate and kung fu.
"By middle, nag-Romeo and Juliet.
"Parang nakikita mo yung Chinese producers, sabi nila, 'Eto ang pagyayabang namin sa Amerika, may Infinity Wars kayo, heto kami.'
"Lahat ng effects na kayang gawin ng kanilang technician, ginawa."
GLENN CLOSE IN THE WIFE
Incidentally, unknown to many, ipinalabas sa Ayala Malls cinemas ang The Wife noong October 2018 at ang Star Cinema ang distributor ng pelikula.
Si Glenn Close ang bida sa The Wife at siya ang hinirang na best actress sa 76th Golden Globe Awards at 25th Screen Actors Guild Awards dahil sa kanyang mahusay na pagganap.
Malaki ang tsansang makuha niya ang best actress trophy ng 91st Academy Awards na magaganap sa February 25, 2019.
Sadly, hindi tinangkilik ng Filipino moviegoers ang The Wife nang i-release ito ng Star Cinema sa mga sinehan ng Ayala Malls noong October 2018.
At dahil sa mga parangal na natanggap ni Glenn, tiniyak ni Santos na ibabalik nila sa mga sinehan ang The Wife bago idaos o kapag natapos na ang 91st Oscar Awards.