Inihatid sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park ngayong hapon, February 3, ang Filipino rock icon na si Pepe Smith, na may tunay na pangalan na Joseph William Feliciano Smith.

Sumakabilang-buhay si Pepe sa edad na 71 noong January 28, 2019.
Ibinurol ang kanyang mga labi sa Venice Chapel ng Loyola Heritage Park sa Sucat, Parañaque City.
Ipinagluksa ng fans ni Pepe ang pagpanaw niya at, kagabi, February 2, ginanap ang misa at eulogies para sa kanya.
Ayon sa anak ni Pepe na si Daisy Smith-Owen, nagkaroon ng jamming ang mga kapwa musician ng kanyang ama sa burol nito kagabi.
Noong Huwebes ng gabi, January 31, ibinalita ni Rebecca Padilla na ninakaw ang favorite hat ni Pepe na naka-display sa tabi ng kabaong nito, kasama ang kanyang gitara, jacket, at sapatos.

"What the f… f…!!! Somebody stole Pepe’s hat!?!? Bastos!!!!!" ang galit na reaksiyon ng kapatid nina Robin, Rommel at Rustom Padilla.
Pero kinabukasan, binawi niya ang kanyang pahayag.
"Ok…Ibinalik na po ang sombrero ni Pepe. End of Subject. Case Closed.Rakenrol!" sabi ni Rebecca.
May apela rin si Rebecca sa publiko na huwag paniniwalaan ang ilang mga balita na nababasa tungkol kay Pepe.
"Anyone interested in knowing more about Pepe, please do not rely on what you read about him right now.
"Most if not all the articles written about his private life is basically based on Wikipedia which has never been fact-checked, as usual."