Ang maging professional basketball player sa Pilipinas ang isa sa mga dahilan kaya mula sa Amerika, umuwi ng Pilipinas si Xian Lim.

Pero kung kailan natupad ang pangarap niya, saka siya nagdesisyon na magpahinga muna sa paglalaro.
Ang sunud-sunod na showbiz commitments niya ang dahilan kaya hindi muna maglalaro si Xian para sa basketball team na kanyang kinaaaniban, ang El Tigre ng Mandaluyong City.
Sinabi ni Xian na nagpaalam ito nang maayos at pinayagan naman siya dahil matatapos na rin ang season ng Maharlika Pilipinas Basketball League.
Punumpuno ang schedule ni Xian dahil busy siya sa promo ng Hanggang Kailan, ang pelikula nila ni Louise delos Reyes na mapapanood sa mga sinehan sa February 6 at magkakaroon bukas, February 4, ng red carpet premiere sa Cinema 1 ng SM Megamall.
Nakatutok ang atensyon ni Xian dahil co-producer din siya ng pelikula, hindi lamang leading man ni Louise.
Nagtatag ng sariling production si Xian, ang XL8, at ang Hanggang Kailan ang unang movie project ng kanyang kompanya.
“I put up my own production which is XL8. It’s something I’ve always want to do ever since nagsisimula pa ako.
“When I first started doing films, nandoon na talaga yung passion ko, grabe.
“I want to be able to create my own movies in the future, I want to be able to tell my stories,” sabi ni Xian na interesado rin sa lahat ng kuwento ng mga tao sa paligid niya.
Pagkatapos ng Hanggang Kailan, ang shooting ng Untrue, ang pelikula na pagbibidahan nila ni Cristine Reyes at kukunan sa Georgia ang haharapin ni Xian.
Paglalaanan din niya ng panahon ang kanyang unang movie directorial job para sa 2019 Cinemalaya Independent Film Festival.
Postscript: Ang Hanggang Kailan ang unang movie team nina Xian at Louise.
Hindi itinanggi ni Xian na awkward ang pakiramdam nila ni Louise sa isa’t isa nang umpisahan ang shooting ng pelikula dahil hindi sila magkakilala nang personal.
“My main concern was paano yung rapport at chemistry na kailangan.
“Yun ang mga naging challenge namin but actually, okey si Louise.
“Ang maganda sa kanya, she’s very open. We really hit it off right away,” kuwento pa ni Xian tungkol sa leading lady niya sa Hanggang Kailan.