Miyembro na si Andrea Manzano ng This Band nang sumali siya sa auditions para sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime.

Si Andrea ang 20-year-old lead vocalist ng This Band at ang mga kasamahan niya na sina Euwie Loria, Raymart Gubat (guitar), Miccael Gaivan (bass), John Macaranas (drums) at Melvin Carson (keyboards) ang nag-udyok sa kanya na sumali sa Tawag ng Tanghalan pero sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi siya napili.
“Hindi po ako nakapasa.
“Sila po [bandmates] ang nag-push sa akin kasi kinakabahan ako at saka takot ako kapag nasa stage kaya hindi ako sumasali sa mga singing contest,” sabi ni Andrea na neneng-nene sa personal pero matindi ang transformation kapag kumakanta na siya onstage, dahil hindi niya ginagamit ang thick eyeglasses, nagsusuot siya ng high heel shoes at punumpuno ng emosyon ang kanyang pag-awit.
Ang This Band ang nasa likod ng hit song na “Kahit Ayaw Mo” na may 22.6 million streams at pataas na nang pataas mula sa 8 million streams ang kanilang isa pang popular song, ang “Hindi Na Nga.”
Palaisipan sa This Band at sa mga nakakaalam sa pagsali ni Andrea sa auditions ng Tawag ng Tanghalan ang pagkakaligwak niya dahil talented singer siya.
Sikat na sikat din sa millennials ang banda nila pero tulad ng kanyang sinabi, kinakabahan siya sa ibabaw ng entablado na hindi namin nakita nang mag-perform sila sa SRO crowd ng Music Hall.
Mga kabataan na may mga ordinaryong pamumuhay sa Las Pinas ang lahat ng mga miyembro ng This Band.
Simpleng-simple ang kanilang mga kilos at pananamit kaya walang mag-aakala na pinagkakaguluhan sila ng mga kabataan at pinipilahan ang mga concert nila na nasaksihan namin sa Music Hall Metrowalk nang i-launch ng This Band noong Sabado ng gabi, February 2, ang kanilang mga bagong kanta para sa Viva Records, ang “Di Na Babalik” at “Ligaya.”
Maliliit na bata ang fans ng This Band kaya maingat na maingat sila sa pagpili ng mga composition na ire-release nila.
Tulad ng ibang mga banda na sumikat noon, nangako ang mga miyembro ng This Band na hinding-hindi sila magkakawatak-watak dahil matibay ang kanilang samahan.
Pero napakaaga pa para sabihin nila ito, dahil wala itong ipinagkaiba sa mga pahayag noon ng Eraserheads at ng ibang mga dating sikat na banda na naghiwalay nang marating nila ang rurok ng kanilang tagumpay.