Matapos makatanggap ng positive at heart-warming reviews ang performance niya bilang transgender woman sa Born Beautiful, ang mga hulang malaki ang tsansang manalo siya ng best actor award ang mga naririnig at natatanggap na komento ngayon ni Martin del Rosario.

Pero ayaw raw umasa ng Kapuso actor.
Pahayag ni Martin, "Nakakatuwa na may mga tao na ganoon ang reaksiyon, sinasabi nga na for best actor [ang performance ko as Barbs].
"Ako, no expectations naman, pero ibinigay ko yung one hundred percent ko sa Born Beautiful. Para akong naging si Barbs talaga.
"Five months shooting, ang tagal, e. Dapat television series siya pero naging movie lang, episode 1 to 12, so talagang damang-dama ko.
"Parang nakatapak na ako sa shoes ni Barbs."
Lalo raw nadagdagan ang respeto ni Martin sa mga miyembro ng LGBTQ community mula nang magbida siya sa Born Beautiful.
"Kung dati ni-respect ko na yung LGBTQ community, mas ngayon alam ko ang mga paghihirap na ginagawa nila.
"Physically, ang hirap magpaganda.
"Ngayon, yung different kinds of relationships, meron pala ang LGBTQ community.
"Kung gaano kasaya at kung bakit dapat i-celebrate ang buhay ng LGBTQ community. Maraming realizations..." ani Martin.
Napanood ng mga magulang ni Martin ang Born Beautiful at natuwa rin sila sa acting na ipinamalas niya.
"Natawa sila, very supportive sila.
"Actually, ang dad ko kasama ko sa shoot, nandoon siya every time na may mga kissing scene na kukunan.
"Siya yung nagsabi na huwag kong ihiga yung wig ko. Talagang inaalalayan niya ang kagandahan ko," kuwento ni Martin tungkol sa pagtanggap kay Barbs ng mga magulang niya.
Nakausap ng Cabinet Files si Martin sa 1st anniversary celebration ng The Skin Bureau, ang 100% Pinoy skin care products company na itinatag ng nurse-turned-CEO na si Jeffrey Geronimo.
Kabilang si Martin sa mga celebrity guest na tumanggap ng parangal mula kay Geronimo dahil sa suporta niya sa The Skin Bureau.