Ang pangalan pa rin ni Albert Langitan ang nakalagay sa Wikipedia bilang direktor ng Kara Mia, pero si Dominic Zapata ang ipinalit sa kanya ng GMA-7 management.
Ang Kara Mia ang primetime drama series ng Kapuso Network na mapapanood simula sa Lunes, February 18.
Sa ginanap na presscon nitong Martes ng gabi, February 12, tinanong si Dominic tungkol sa mga hamon sa kanya bilang bagong direktor ng much-anticipated television series nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz.

Pahayag niya, "Nung nakita ko po yung script, I saw it with a fresh eye.
"I figured it out for myself na, wow, hindi sa akin itinuro sa eskuwela ito, bago sa akin ang mag-shoot ng tao na dalawa ang mukha.
"Naging palaisipan, parang masaya na, 'Uy, mapaiba ka naman nang konti.'
"Nakakalibang i-shoot, masaya rin, kasi palaging listo ka dapat, hindi puwede yung aantok-antok.
"So, lahat kami ganoon mag-isip. Pati lahat ng mga artista, involved doon.
"I think it’s always refreshing to do something that’s new, something challenging."
Meanwhile, ang bigyan ng pagkakataon ang Kara Mia ang hiling ni Hazel Abonita, ang senior program manager ng teleserye nina Barbie at Mika.
"Sinasabi namin sa inyo na silipin niyo lang kami. Bigyan niyo kami ng konting oras, magbabago ang telebabad viewing ninyo.
"Minsan po, hindi laging masarap yung adobo. Minsan, kumain tayo ng ibang putahe. Maraming ibang putahe diyan.
"Yun po ang ino-offer namin sa table sa inyo, come February 18," imbitasyon ni Hazel sa televiewers.
Ang Kara Mia ang papalit sa magwawakas nang Cain At Abel. Makakatapat nito ang top-rating primetime series ng ABS-CBN na Ang Probinsyano.