Ang pag-aresto sa Rappler CEO at executive editor na si Maria Ressa nitong hapon, 5 P.M., February 13, ang ibinalita ni Ted Failon sa TV Patrol, ang prime-time news program ng ABS-CBN.

Inaresto si Ressa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice.
Si Presiding Judge Raineld Estacio-Montesa ng Branch 46 ng Manila Regional Trial Court ang naglabas ng arrest warrant para kay Ressa.
Nag-ugat ang cyber libel case laban kay Ressa at sa former Rappler researcher na si Reynaldo Santos Jr. sa news report tungkol sa reklamo ng businessman na si Wilfredo D. Keng, na pinangalanan noon ng Rappler bilang sangkot sa mga ilegal na gawain at may-ari ng SUV na ginamit ni dating Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial nito.
Sumakabilang-buhay na si Corona noong April 29, 2016.
Bahagi ng report ni Failon sa TV Patrol tungkol sa pag-aresto kay Ressa ng NBI agents:
"Unang sinabi ng Rappler na hindi dapat umusad ang naturang kaso dahil sa 2014 ito [nangyari] at wala pang Cybercrime Prevention Act noon. Giit naman ng Rappler na isa itong paniniil sa press freedom.
"Ayon naman sa NBI, naka-publish pa rin ang artikulo kaya maaari pa rin kasuhan ang Rappler at si Bb. Ressa.
"Pero sinabi naman ng abogado ni Wilfredo Keng na hindi ito usapin ng press freedom at iginiit niya na may pagkukulang ang Rappler, lalo pa’t hindi sila binigyan ng pagkakataon na maipaliwanag ang kanilang panig sa kabila ng maka-ilang ulit nilang pakiusap sa online news site."