Nag-celebrate ng 30th birthday si Prince Stefan noong February 13 sa piling ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan.
Hindi makapaniwala si Prince na 30 years old na siya dahil parang kailan lang nang sumali siya, sa edad na 17, sa StarStruck: The Next Level, ang reality-based artista search ng GMA-7 noong 2006.
Hindi inililihim ni Prince ang mga pinagdaanang pagsubok noong nakaraang taon sa personal at professional life.
Pero hindi nawala o nabawasan ang kanyang pananampalataya sa Panginoon kaya ngayon, unti-unti na siyang nakababawi dahil sa mga magagandang nangyayari sa buhay niya.
May television series at mga pelikulang gagawin si Prince sa ibang bansa, na ikinatutuwa ng aktor dahil makatutulong ito sa kanyang matagal nang paghahanap sa estranged Arab father niya.
Pahayag niya sa Cabinet Files, "My birthday wish is to focus more on my career and be more motivated especially now that I am single and 'sober.'
"Past is past and all I can do is learn from it. Move forward and positive.
"It’s a bittersweet feeling lang to look back sa mga nangyari at experience ko sa buhay."
PRINCE'S ADVOCACY
Bukod sa bagong sigla sa acting career niya, nakatutok din ang atensiyon ni Prince sa kanyang advocacy—ang pagtulong sa iba para sa free HIV testing.
Proud and out ambassador siya ng The Red Whistle, na may hashtag na #SaveSexy.
Noong December 2018 ang huling HIV testing kay Prince at ipinagmamalaki nitong negative ang resulta, kaya hinihikayat niya ang lahat na sumailalim din sa naturang pagsusuri.
Noong 2016, nagbida si Prince sa Working Beks, ang comedy movie ng Viva Films.
Bago nagsimula ang shooting, tinanong ni Prince ng mga executive ng Viva Films kung naranasan na niyang magpa-HIV testing; "oo" ang kanyang sagot.
Hindi sinabi ni Prince ang katotohanan dahil takot siya sa karayom at kinakabahan siya sa magiging resulta ng test.
Kaya nang sabihing actual HIV testing ang eksena nila ni Edgar Allan Guzman na kukunan para sa pelikula, lalong nadagdagan ang nerbiyos na naramdaman niya.

Kuwento ni Prince, "Kung napanood ninyo ang Working Beks, mapapansin ninyong pinagpapawisan, umiiyak, at takot na takot ako sa eksena dahil yun talaga ang nararamdaman ko.
"Una, takot ako sa injection at, pangalawa, takot ako sa lalabas na resulta ng HIV test sa akin."
Nakahinga lang nang maluwag si Prince nang malaman niyang negative ang resulta.
Mula noon, naging advocate na si Prince ng free HIV testing.
Handa siyang magbigay ng moral at support sa sinumang lalapit sa kanyang dumaranas ng depression dahil positive ang resulta ng HIV test.
Incidentally, kabilang si Prince sa iilang mga artistang binibigyan ng acknowledgment ang PEP.ph sa pagdami ng bilang ng followers niya sa social media.
Ayon kay Prince, nadaragdagan ang social media followers niya sa tuwing naglalabas ang PEP.ph ng mga article tungkol sa kanya.
Whooping additional 20,000 followers ang numerong sinabi ni Prince kaya nagpapasalamat siya sa PEP.ph.