Noong August 2014, headline sa mga television news program at mga diyaryo ang "suicide attempt" ng comedian na si Jobert Austria, na nagtangka umanong tumalon mula sa isang building sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA.

Hanggang ngayon, mapapanood pa rin sa YouTube ang video ng attempted suicide ni Jobert, na sinadya raw nitong gawin para makuha ang atensiyon ng publiko dahil sa death threats na natanggap niya.
Five years later, nagpapasalamat si Jobert dahil kung hindi nangyari ang insidente, hindi mabubuksan ang kanyang isip, hindi magbabago ang takbo ng buhay niya, at hindi siya magbibida sa Familia Blondina.
Ang Familia Blondina ang comedy movie na maiden offering ng Arctic Sky Entertainment at pinagbibidahan nina Jobert at Karla Estrada.
Sabi ni Jobert, "Doon ako natuto. Kung hindi nangyari sa akin yun, hindi ko mare-realize na meron pa palang buhay pagkatapos nun.
"Kaya proud ako kasi hanggang ngayon, mula nang incident na yun, hindi na ako bumalik kahit kailan."
Pinaghinalaang lulong sa ipinagbabawal na gamot si Jobert kaya nagawa niya noong subukan wakasan ang sariling buhay.
Bago na-discover ang talent ni Jobert sa pagpapatawa, nagtrabaho muna siya bilang DJ sa isang radio station.
Mainstay si Jobert ng gag show ng Banana Sundae at lumalabas din siya sa mga teleserye ng ABS-CBN.
Ang Familia Blondina ang unang pelikula ni Jobert na siya ang bida kaya ipinagmamalaki niyang nagkasama sila ni Karla sa isang project.
"Proud ako na nakatrabaho si Ate Karla kasi nagkatrabaho na rin kami. Leading man pa ako, nakakapanibago," sabi ni Jobert na gumaganap na love interest ni Karla sa comedy movie na magbubukas sa mga sinehan sa February 27.