Magsisimula ngayong gabi, February 18, ang tapatan ng Ang Probinsyano ng ABS-CBN at ng Kara Mia, ang drama/telefantasya ng GMA-7 na tinatampukan nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz.

Sa recent presscon ng Kara Mia, hiniling ng program manager na si Hazel Abonita na subukan ng televiewers ang bagong putahe sa prime time na ihahain ng GMA-7 dahil minsan, hindi raw laging masarap ang adobo.
Tungkol sa magkapatid na iisa ang katawan ang kuwento ng Kara Mia, na may working title noon na Dalawang Mukha ni Guadalupe.
Hindi kathang-isip ang pagkakaroon ng isang katawang kambal dahil nangyayari ito sa tunay na buhay.
"Disprosopus o craniofacial duplication" ang medical term sa naturang congenital defect.
Pero sa Pilipinas, hindi pa nagkakaroon ng report tungkol sa sanggol na isinilang na dalawa ang mukha at iisa ang katawan tulad ng nangyari sa Australia.
Noong May 8, 2014, isinilang ni Renee Young sa Sydney, Australia, sina Faith Daisy at Hope Alice—ang kambal na anak nila ng kanyang asawa na si Simon Howie.
Dalawa ang mukha, magkahiwalay ang mga utak, pero iisa ang katawan ng mga anak nina Simon at Renee.
"Mapaghanap ng atensiyon" si Faith, samantalang masaya na si Hope na hawakan ang daliri ng kanyang mga magulang at mahilig magpahinga ang mga napansing magkaiba na ugali ng Howie twins.
Sa kasamaang-palad, binawian sila ng buhay noong May 27, 2014 dahil sa komplikasyon.

Sa Kara Mia, jolly, mabait at bibo ang karakter ni Kara (Barbie) na kabaligtaran ng tamad at pagkakaroon ng negative attitude ni Mia (Mika) na nangangarap maging artista.
Kung may ipinagkaiba man sina Kara at Mia sa pumanaw na conjoined twins ng Australia, nasa likod ni Kara ang mukha ni Mia, at magkadikit naman ang mga mukha nina Faith at Daisy.