"Binigyan ko sila ng pera para sabihin \'yan!"
Ito ang pabirong sagot ni Lauren Young sa sinabi ng Cabinet Files na kahit kontrabidang-kontrabida ang role niya sa mga television series ng GMA-7, mahal na mahal siya ng production staff dahil sa kanyang professionalism.

Wala raw karekla-reklamo ang 25-year-old Kapuso actress at mahusay pakikisama sa lahat.
"Kasi, kapag nagreklamo ka, mawawalan ka ng trabaho. Kapag masungit ka, mawawalan ka ng trabaho," paliwanag ni Lauren.
"I love my job. Saka, na-realize ko, we\'re so blessed na ganito yung trabaho natin na ang saya-saya lagi ng mga ginagawa.
"You have so many adventures. You get to work with such amazing people. \'Tapos magagawa mo pang magreklamo?
"Binibigyan ka na nga ng aircon na tent, nagbabasa ka lang ng lines... It\'s such a blessing."
Hindi raw issue kay Lauren ang long taping hours sa set.
Aniya, "For me, I don’t want to take it for granted because, just imagine, kung hindi ito yung ginagawa ko, sobrang hirap ng buhay mo.
"Magrereklamo pa ba ako na hindi ka natulog ng isang araw? Okey lang, tatanggapin ko, matutulog naman ako the next day, di ba?"
Naniniwala rin daw siya na hindi dapat basta sumu-segue sa iba\'t ibang work commitments ang isang artista, para siguradong hindi maaapektuhan ang isang TV show.
"Kapag nagtatrabaho ako, when I do a show, I really put myself to the show na as much as possible, hindi rin ako tatanggap ng ibang taping at saka, I respect contracts.
"Ito yung nasa kontrata mo, ito yung hinihingi sa iyo. Ito yung kailangan mo na i-deliver.
"Ako talaga, the first thing is we\'re at work. You have to be professional, you have to be respected, and priority talaga natin is magtrabaho."
Prangkang sinabi rin ni Lauren na dapat matutunan ng ibang mga artista na hindi dapat basta na lang inirereklamo ang production staff dahil sa dami ng demands.
Dagdag pa ng Kapuso actress, "Spoiled yung iba diyan. Ang daming bumubulong sa mga tenga nila, di ba?
"Hindi ako ganoon, walang bumubulong sa tenga ko.
"At saka some people, you have to know when enough is enough. I’m super contented with what I have now."
Makakabangga ni Lauren si Yasmien Kurdi sa Hiram Na Anak, ang bagong drama series ng GMA-7 na magsisimula sa February 25, at mapapanood bago mag-Eat Bulaga.