Ambon, tikatik at bagyo ang ilan sa mga klase ng ulan, kaya may kinalaman sa ulan ang tanong kina Nadine Lustre, Marco Gumabao at Carlo Aquino sa ginanap na presscon ngayong hapon ng kanilang pelikula na magbubukas sa mga sinehan sa March 13, 2019.
Nagpakatotoo si Nadine sa sagot nito na maihahalintulad sa isang bagyo ang naranasan niya noong October 8, 2017, ang araw na namatay ang kanyang kapatid na si Isaiah.

“Katatapos lang po ng bagyo e,” lahad ni Nadine na umaming natagalan bago niya natanggap ang malungkot na katotohanan.
“Two years ago, 2017, noong namatay po yung brother ko, so medyo natagalan din po bago ko na-accept yung nangyari, actually bago naka-move on.”
Si Nadine ang lead actress ng Ulan at leading men niya sina AJ Muhlach, Marco Gumabao at Carlo Aquino.
Wholesome ang pelikula na mula sa panulat at direksyon ni Irene Villamor, kaya hindi nakapagtataka kung General Audience o Parental Guidance ang classification na ibigay ng MTRCB sa Ulan.
Maya ang pangalan ng karakter ni Nadine, at tungkol sa paghahanap ng pagmamahal at mamahalin ang kuwento ng pelikula na ginamitan ni Irene ng magic realism.
Puwedeng-puwede na panoorin ng mga bata ang Ulan dahil wala itong sexy o intimate scenes.
Nakadagdag pa sa curiosity ng lahat ang eksena ng mga tikbalang na nagkaroon ng special appearance sa presscon ng pelikula, pero pinaalis agad ni Irene dahil baka nahihirapan na sila sa paghinga.
