Dinumog ng mga tao ang homecoming parade ni Miss Universe 2018 Catriona Gray na naganap sa Araneta Center, Cubao, Quezon City, ngayong Sabado ng hapon, February 23.

Alas-kuwatro ng hapon ang umpisa ng parada pero nagsimula ito ng 5:20 pm.
As always, umiral ang pagiging pasaway at kawalan ng disiplina ng mga kababayan natin, dahil hindi nila pinakinggan ang pakiusap ng Quezon City Police na huwag salubungin ang float na sinasakyan ni Catriona.
Nahirapan ang mga pulis at ang security personnel ng Araneta Center na kontrolin ang mga tao na mas marami ang bilang kesa sa kanila.
Kasama ni Catriona sa float ang mga representative ng Miss Universe Organization at si Mrs. Stella Marquez-Araneta, ang chair ng Bb. Pilipinas Charities Inc., ang organizer ng Bb. Pilipinas.
Tulad ng homecoming parade niya mula sa Maynila hanggang sa Makati City, iwinagayway ni Catriona ang hawak na Philippine flag, at wala siyang kapaguran sa pagsasayaw habang sumisigaw ng “I love you all” at “Maraming salamat.”
Added attraction and entertainment sa homecoming parade ni Catriona ang kanyang gay fans na may mga suot ng replica ng Miss Universe crown, at mga tagahanga na kinopya ang national costume na ginamit niya sa 67th Miss Universe na ginanap sa Bangkok, Thailand noong December 2018.
Nang makita ni Catriona ang gay fan na ginaya ang kanyang national costume, inulit ng beauty queen ang galaw ng mga kamay niya nang rumampa siya noon sa National Costume competition.