Ang episode ng Tadhana na pinagbidahan ni Diana Zubiri at napanood sa GMA-7 nitong Sabado hapon, February 23, ang last television appearance ng indie actor na si Kristofer King.
Pumanaw si Kristofer sa Manila Adventist Sanitarium Medical Centre ngayong gabi.

Drug addict at isa sa tatlong asawa ni Diana ang karakter na ginampanan ni Kristofer sa Tadhana.
Christopher Reyes ang tunay na pangalan ng aktor at unang nagbida sa pelikulang Babae sa Breakwater noong 2003.
Nag-taping si Kristofer para sa Tadhana noong February 15, pero kapansin-pansin ang kanyang pangangayayat na resulta ng pagiging diabetic niya.
Malaki rin ang ipinagbago ng kanyang hitsura dahil nagpa-skinhead siya.
Kaninang umaga, umapela ng tulong para kay Kristofer ang kanyang kapatid na si Kristina Reyes Saldanha na naninirahan sa Dubai.
Mensahe ng kapatid ng aktor: "Kung sino man po ang nakakakilala sa kapatid ko KRISTOFER KING / CHRISTOPHER REYES kung pwde po paki puntahan sya sa MANILA ADVENTIST SANITARIUM MEDICAL CENTRE.
"Agaw buhay na daw siya doon. Nanghihingi sila ng ni tulong ni ROSSANO A. GARCIA kaya kung meron daw po mag -iiwan kahit magkano personally or kahit via Western Union malaking tulong na daw yun.
"Kung pwede meron nakakakilala sa pamilya niya, pakisabihan na lang din po. Salamat daw po ng marami sa mga dadalaw at tutulong."
Noong 2013, isinadula ng Magpakailanman ang life story ni Kristofer at si Aljur Abrenica ang gumanap sa katauhan niya.
May pamagat na "Bayarang Adonis: The Kristofer King Story" ang episode ng Magpakailanman.
Dito buong tapang na inamin ni Kristofer ang pagtatrabaho niya bilang macho dancer at high–end male prostitute dahil sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya at anak na si Bukne, na may sakit na Hunter’s Syndrome, isang serious genetic disorder.
Sa tunay na buhay, Boknoy ang tawag kay Kristofer ng pamilya at mga kaibigan niya.
