Kabilang ang award-winning short film director na si Arvin Belarmino sa mga hurado ng 2018 National Digital Arts Awards, na ginanap sa Jose Rizal Room ng Philippine International Convention Center kagabi, February 26.
Si Belarmino ang co-director ng Nakaw, ang short film na pinagbidahan noong 2016 ng pumanaw na indie actor na si Kristofer King.
Ang isa pang direktor ng short film na ito ay si Noel Escondo.

Umani ng mga papuri sa international film festivals ang Nakaw dahil si Belarmino ang nanalong best director sa Short & Sweet Film Festival 2017 sa Hollywood, California.
Ang kanilang pelikula ang nagwaging Best Fiction Film sa 3rd Minikino Film Festival ng Jakarta, Indonesia; In Competition sa Oscar Qualifying Film Festival ng Brussels Short Film Festival 2018 sa Belgium; In Competition for 2017 Asiana International Short Film Festival sa Seoul, Korea; at sa 2017 Berlin Interfilm Festival Confrontation Competition sa Germany.
In Competition din ang Nakaw sa Landshut Short Film Festival 2019 sa Germany at idaraos ito mula March 20 hanggang March 25.
Dadalo si Belarmino sa naturang film festival at tiniyak niyang magiging tribute para kay Kristofer ang kanilang 7-minute short film dahil alam na rin ng mga organizer ang malungkot na nangyari sa bida ng Nakaw.

Sinabi ni Belarmino na pagkatapos ng National Digital Awards Night, pupunta siya sa burol ni Kristofer para magbigay-pugay sa huling pagkakataon sa aktor na hinahangaan at nirerespeto niya.
Pagbabalik-tanaw ni Arvin tungkol kay Kristofer: "Meron akong sobrang hindi makakalimutan na experience ko with him, kasi yung part niya sa Nakaw, ako mismo ang nag-direct ng sex scene part.
"Yung babae is maghuhubad din. First-time actress yung babae 'tapos paghuhubarin ko. Nakita ko kung paano siya inalagaan ni Kristofer.
"Kumbaga, hindi naging malaswa, naging artistic yung eksena na idinirek ko at dinagdagan pa niya bilang aktor kaya naging kumportable yung artistang babae and they executed it well.
"Sa sex scene, talagang hubad kung hubad siya, pero inaalalayan niya yung babae.
"Yun ang hindi ko makakalimutan na nagbibigay siya ng points sa kaeksena niya.
"Alam ni Kristofer na nanalo ng mga award ang Nakaw dahil liker ko siya, itina-tag ko siya sa Facebook."
Labis daw siyang naapektuhan nang mabalitaan ang pagkamatay ni Kristofer.
Lahad ni Arvin, "First time ko na namatayan ng aktor sa mga pelikula ko.
"Nasa biyahe ako noon, nasa motor ako, kasama ko ang editor ko tapos tumawag yung kaibigan ko na direktor.
"Sa sobrang bigat sa akin, tinapik ko yung editor ko, pinahinto ko siya, nag-stop kami sa gasolinahan, umupo kami, bumili ng beer kasi sobrang bigat.
"Ang bata pa niya, parang hindi ko maintindihan. Hindi ko nga nabalitaan na may sakit siya."
Nahihirapang maniwala si Arvin na wala na si Kristofer na personal choice niya para magbida sa Nakaw.
"Sobrang fan ako ng Serbis, yung pelikula ni Kristofer. Saka yung Purgatoryo.
"Sobrang natural niya. Sabi nga niya, good acting is no acting at all.
"Yun ang isang hindi ko makakalimutan sa kanya.
"Bago pa ako naging filmmaker, kilala ko na siya at hinahangaan ko na siya bilang fan ng pelikula at bilang direktor.
"Every time na mapapanood ko yung Serbis, every time na mapapanood ko yung Ma' Rosa at ang iba pa niyang mga pelikula at sa sarili kong pelikula, iba yung pakiramdam, iba yung pag-alala, iba yung pain at the same time, yung pagiging proud mo na part siya ng legacy ko, nandoon siya," malungkot na pahayag ni Arvin tungkol sa early demise ni Kristofer
Postscript: Sixteen years old noon si Belarmino nang subukan nitong gumawa ng short film kaya nakikita niya ang sarili sa mga kabataan na kanyang kaedad na nanalo sa Student Category ng 2018 National Digital Awards.
Si Jarred Olivares ng Mapua Institute of Technology ang winner sa Digital Art in Print, Character Design 1st placer ang University of Perpetual Help System Data student na si Emmanuel Fojas, ang Ablaze Arts ng De La Salle College of Benilde at Mapua Institute of Technology ang nanalo sa Animation, at grand prize winner sa Digital Short Movie si Amamie Ave Lanas ng STI Academic Center-Lipa City.