Ilang araw nang laman ng mga entertainment gossip column ang hindi makatarungan na comparison kina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Mababaw ang pinag-ugatan ng pagkukumpara sa dalawa, ang akusasyon na mahirapan lapitan si Pia noong ito ang reigning Miss Universe dahil diumano, sobrang mahigpit ang security sa paligid niya.
Ang nakakatawa, walang personal encounter sa dalawang Miss Universe ang mga nagsusulat o nagbabalita na mahirap lapitan si Pia dahil ibinase lamang ang kanilang mga report mula sa ibang mga tao.
Pinaghahambing din ang mga ugali nina Catriona at Pia. Kung sinasagot daw ni Catriona ang lahat ng mga tanong sa kanya, limitado at hindi puwedeng tanungin si Pia tungkol sa personal life niya.
Dapat ipaintindi sa detractors at haters ni Pia na magkakaiba ang ugali ng mga tao. May mga kagaya niya na hindi kumportable na pinag-uusapan ang private life dahil hindi siya katulad ng ibang mga personalidad na sagad ang pagiging famewhore kaya naka-broadcast sa buong mundo ang lahat ng mga nangyayari at iskandalo sa kanilang personal na buhay.
Sa aming karanasan, walang ipinagkaiba ang paghihigpit ng Miss Universe Organization security personnel noong si Pia ang may hawak ng korona at ngayong si Catriona ang reigning queen.
Sinasagot ni Pia ang lahat ng mga tanong namin dahil hindi kami nagtatanong ng mga personal question bilang pag-galang sa kagustuhan niya na panatilihin pa rin ang kanyang privacy, kahit public figure siya.
May mga reporter kasi na matindi ang sense of entitlement kaya nabubuhay sa ilusyon na dahil sa kanilang posisyon, walang mga personalidad na puwedeng tumanggi o hindi sumagot sa mga katanungan nila.
Nang manalo si Pia na Miss Universe Philippines noong March 15, 2015, may mga nagsabi na tatlong beses na siya na sumali sa Bb.Pilipinas kaya imposible na makuha niya ang Miss Universe crown.
Nang magwagi si Pia na 64th Miss Universe, ang mga nagkomento na luhaan siya na babalik sa Pilipinas ang mga nanguna sa pagpuri sa kanya,
Ngayong si Catriona ang reigning Miss Universe, nabuhay ang mga pang-iintriga laban kay Pia na nananahimik pero paborito na paglaruan ng mga kababayan na pinaiiral ang kakitiran ng pag-iisip.
Kung hindi naman nanalo na Miss Universe si Catriona, tiyak na walang comparison na mangyayari.
Si Pia ang tumapos sa 42-year Miss Universe drought ng Pilipinas at siya ang isa sa mga pinakakontrobersyal na winner dahil sa paraan ng pananalo niya na ipinagbunyi noon ng mga Pilipino.
Nang umalis ng Pilipinas si Pia papunta sa Las Vegas para sa 64th Miss Universe, nangibabaw ang mga pagdududa na maiuuwi niya ang elusive crown pero nagtagumpay siya dahil sa kanyang determinasyon na makapagdala ng karangalan sa ating bansa.
Ngayong may bago nang Pilipina na Miss Universe, biktima pa rin si Pia ng mga paninira.
Imbes na siraan, dapat ibigay kay Pia ang respeto na nararapat para sa kanya at hindi dapat kalimutan ang legacy niya bilang 3rd Filipina Miss Universe, sa Pilipinas, at sa buong universe.