Tie sa best actress award ng 39th Fantasporto International Film Festival sina Ai-Ai delas Alas at Ina Raymundo.
Nanalo si Ai-Ai para sa role niya sa School Service at si Ina para sa performance nito sa Kuya Wes sa awards night na ginanap nitong March 2 (March 3, Sunday morning, Manila time) sa Porto, Portugal.

Ang dumalo sa international film festival na nagsimula noong February 19 at matatapos ngayon, March 3, 2019, ang original plan ni Ai-Ai dahil gusto nito na magsimba sa Fatima Basilica, Fatima, Portugal, ang site ng Blessed Virgin Mary apparition noong May 1917.
Hindi natuloy ang balak ng Comedy Queen dahil sabay-sabay ang mga pelikula na ginagawa niya kaya ang School Service director na si Louie Ignacio na lamang ang nagpunta sa Fantasporto International Film Festival.

Hindi nabale-wala ang pagdalo ni Ignacio dahil si Ai-Ai ang nanalo na best actress at gaya nang dati, siya ang tumanggap ng acting award ng Comedy Queen.
Dahil sa nangyari, lalong nakumbinsi si Ai-Ai na mas malaki ang tsansa niya na manalo kapag hindi siya dumadalo sa mga international film festival dahil ganito rin ang scenario nang mapanalunan niya ang mga best actress trophy para sa indie movie na Area noong 2017.
Marian devotee si Ai-Ai kaya nagpapasalamat ito kay Virgin Mary at sa Panginoong Diyos dahil sa biyaya na natanggap niya ngayong 2019.
Pinasalamatan din ni Ai-Ai si Louie, ang kanyang asawa na si Gerald Sibayan, at ang mga co-star niya sa School Service.
Ibinahagi ni Ai-Ai kay Ina ang parangal na natanggap nila dahil pareho sila na natatanging ina.