Ex-mayoral candidate ng Maynila at hindi fishball vendor si Alvin Karingal.
Si Alvin ang isa sa mga lumahok sa kilos-protesta laban sa korapsyon sa Luneta Park, Maynila, noong Linggo, Setyembre 21, 2025.
Pero hindi ang korapsyon ang kanyang ipinaglalaban kundi ang pagbaba ng presyo ng mga streetfood na fishball, kwek-kwek, kikiam, calamares, at tokneneng.
Dahil dito, binansagan siyang “Fishball Warrior.”
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
Mabilis na nag-viral ang video ni Alvin kung saan isinigaw niya: “Ibaba ang presyo ng fishball! Ibaba ang presyo ng kikiam, fishball, tokneneng, kwek kwek, calamares!!”
Pero makalipas lamang ang ilang oras, ang larawan ni Alvin na sira ang suot na T-shirt at hawak ng isang pulis ang kumalat sa social media at naging palaisipan sa publiko.
Nasagot ang mga tanong tungkol sa nangyari kay Alvin nang lumantad ang kanyang inang si Mean Karingal na naghahanap sa kinaroroonam ng anak mula nang dakpin ito ng pulis.
ALVIN KARINGAL'S MOTHER: WHERE IS MY SON?
Sa panayam ng News5 kay Mean, kinumpirma niyang PWD (person with disability) si Alvin dahil sa kapansanan nito sa pag-iisip.
Nilinaw rin niyang hindi totoong fishball vendor ang kanyang anak.
Saad ni Mean: “Nakita ko, parang sinaktan siya ng pulis. Parang sinuntok tapos parang may bakas na sugat. Hindi ko alam kung ano yon.
“Kumakain siya ng fishball, kikiam, pero wala siyang hanapbuhay.
"Tumutulong siya sa akin sa pagtitinda lang, mga peanut butter, biscuits.”
Masamang-masama ang loob at nanlulumo si Mean dahil hindi maituro ng mga pulis na nilapitan at hiningan niya ng tulong ang kinaroroonan ng kanyang anak.
“Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanya.
"Ang inaalaala ko kasi, baka hindi pa kumain siya. Kung saka-sakali na nandiyan siya, pinakain ba siya?
“Tapos yung gamot na iniinom niya. May iniinom siyang gamot, pampakalma, kasi may schizophrenia po siya.
"Parang isang uri ng sakit sa pag-iisip kasi na-confine po siya dati sa Mental Health [hospital], almost twice na.
"Tapos ngayon, continuous ang home medication niya,” salaysay ni Mean.
Tuluyan nang napahagulgol ng iyak si Mean dahil sa labis na pag-aalala kay Alvin.
Pagpapatuloy niya: “Siyempre, anak ko po yon. Anak ko yon.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko kasi wala pa po akong tulog sa pag-aalala. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.”
Read: Inka Magnaye defends boyfriend from corruption allegations
ALVIN KARINGAL: MANILA MAYORAL ASPIRANT
Sa pagsasaliksik na ginawa ng Cabinet Files, napag-alaman na ang pagdalo ni Alvin sa kilos-protesta laban sa korapsyon ay hindi ang unang pagkakataong naging laman siya ng mga balita.
Dati siyang Manila mayoral aspirant.
Noong Oktubre 1, 2024, si Alvin ang isa sa mga unang naghain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections dahil sa kanyang pangarap maging alkalde ng lungsod ng Maynila.
Kasama ang larawan at pangalan ni Alvin sa survey poster ng mga kandidato sa pagka-alkalde na kinabibilangan nina Isko Moreno, Honey Lacuna, at Sam Verzosa na pinapaborang ihalal ng mga residente ng Maynila.
Bago nangyari ang paghahain niya ng CoC, iniulat ng mga nagmamalasakit sa kanya ang pagkawala ni Alvin noong Agosto 30, 2024.
Nakalagay sa panawagan ang pagkakaroon niya ng mental depression at ang kanyang pag-alis mula sa kanilang tahanan sa Pandacan, Manila, noong Agosto 26, 2024.
Read: Celebrities spotted at September 21 protests in Luneta, EDSA