Idineklara ni Manila City Mayor Isko Moreno na walang pasok sa Lunes, Setyembre 22, 2025, ang mga mag-aaral sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila dahil sa kaguluhang nangyari ngayong Linggo nang gabi, Setyembre 21, sa Recto Avenue at Mendiola Street.
Kinansela ni Moreno ang mga klase para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, pero ipinag-utos niya sa pamunuan ng mga eskuwelahan na ipatupad ang Alternative Delivery Mode para tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga kabataan, kahit walang face-to-face classes.
Ngayong Linggo nang gabi, personal na pinuntahan at ininspeksyon ni Moreno ang malaking perhuwisyo na ginawa sa Maynila ng ilang sumali sa kilos-protesta laban sa korapsyon, pero gumamit ng karahasan tulad ng pagsunog sa mga motorsiklo ng pulis at pagpasok at pagwasak sa Sogo budget hotel.

May mga takip ang mga mukha ng mga naminsalang demonstrador na lumimas sa laman ng vault ng hotel, pati sa mga cellphone at pitaka ng mga nagimbal na empleyado na naniniwalang pagnanakaw ang talagang pakay ng mga nanloob sa kanila.
Nagmistulang isang warzone ang Recto Avenue at Mendiola Street dahil sa paglusob ng mga demonstrador na nagtangka pero nabigong pasukin ang Palasyo ng Malacañang.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, plano raw sunugin ng mga demonstrador ang Palasyo.
Ikinalungkot ni Moreno ang karahasan na nangyari at ang vandalism na ginawa sa mga ari-arian ng lungsod kaya tiniyak niyang mananagot ang mga salarin na kanyang sasampahan ng kaso.
“Maraming public property and private property were damaged at ang nakakalungkot, marami akong pulis na nasugatan. Nasa ospital naman sila ngayon, yung isa inooperahan.
“May humigit-kumulang na isandaan na mga I think, kabataan, na husto ang gulang ang nasa poder ng alagad ng batas. Tingin ko mga walang magawa yan sa buhay.
“All those damages, government properties. Lahat ng na-apprehend will be charged and I will make sure they will pay the price.
“Criminal and civil, we will charge them, the city government of Manila will charge them. Pagsisisihan nila yan.They will regret it. Hindi ko pa sila nabisita ngayon but they will regret it,” babala pa ni Moreno sa mga pasimuno ng kaguluhan sa Maynila nitong Linggo nang gabi.