Hindi na-hack ang Instagram account ng aktor na si Rob Gomez kaya na-post nang walang pahintulot ang mga palitan nila ng pribadong mensahe ng dating co-stars niya sa Magandang Dilag, ang defunct afternoon program ng GMA-7, na sina Herlene Budol at Bianca Manalo.
Ang katotohanan ay naagaw ang cellphone ni Rob.
Ang former beauty queen at ang ina ng anak ni Rob na si Shaila Rebortera ang inaakusahang nag-post sa social media account ng aktor ng mga mensaheng binibigyan ng malisya at ibang kahulugan ng netizens na nakatutok sa kontrobersiyal na isyu.
Minarapat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) huwag ilathala ang palitan umano ng pribadong mensahe ni Rob kina Herlene at Bianca dahil sa Data Privacy Act.
Nangyari ang pang-aagaw sa cellphone ni Rob sa condominium building sa Pasig City na tinitirhan ni Shaila at ng anak nila ni Rob noong Martes ng gabi, Disyembre 19, 2023.
Lumikha ng gulo ang pangyayari dahil may tumawag ng mga pulis. Mabilis na rumesponde ang mga pulis ngunit nabigo silang palabasin si Shaila mula sa unit nito kaya hindi nabawi ni Rob ang kanyang cellphone.
Kumalat sa social media ang mga larawan ng naganap na insidente dahil inilabas umano ito ng ina ni Shaila at nilagyan niya ng caption na “scary.”
Walang pahintulot ng mga miyembro ng Pasig Police ang larawan nila na kinunan ng ina ni Shaila at inilabas nito sa kanyang social media page.
Ayon sa mga saksing nakausap ng Cabinet Files, nakita nilang may mga sugat si Rob sa braso dahil sa pag-aagawan nila ni Shaila sa cellphone ng aktor.
Pinaniniwalaang si Shaila ang nag-post sa Instagram account ni Rob ng mga screenshot ng palitan ng mensahe sa pagitan ng aktor at ng mga personalidad na idinamay ng dating beauty queen sa pinagpipistahan ngayong kontrobersiya.
Dahil si Shaila ang sinasabing may kontrol sa cellphone ni Rob, hindi agad nabura ang mga screenshot kaya nagpasalin-salin ito.
Gumawa agad ng konklusyon ang netizens na mabilis na hinusgahan ang mga isinangkot na personalidad, kahit hindi pa nila naririnig ang panig ng mga ito.
Burado na sa kasalukuyan ang mga mensaheng ito sa Instagram account ni Rob.
Hapon ng Miyerkules, Disyembre 20, 2023 nang mabura ang mga screenshot dahil nagkaroon na ng access si Rob sa kanyang inagaw na cellphone.
Patuloy na nagsasaliksik ang Cabinet Files para malaman ang katotohanan sa pagkakadawit ng pangalan nina Herlene at Bianca sa eskandalong iniiugnay kay Shaila.