Ang special participation niya sa FPJ's Batang Quiapo ang unang proyekto ni Ryza Cenon sa telebisyon matapos ang matagal na pamamahinga dahil isinilang niya noong October 31, 2020 ang kanyang anak na si Night.
Si Ryza ang gumanap na young Irma Adlawan sa Kapamilya primetime series na pinangungunahan ni Coco Martin na napanood simula noong Lunes, February 13, 2023.
Read: FPJ's Batang Quiapo pilot episode, sobrang lakas online; Maria Clara at Ibarra, extended ng one week
Ikinatuwa ni Ryza ang mga positibong komento tungkol sa pagbabalik niya sa telebisyon at sa pag-arte na kanyang ipinamalas sa pilot telecast ng Batang Quiapo.
“Sabi po nila, magaling yung mata-mata acting namin at maganda ang tandem namin nina Miles Ocampo at Direk Coco Martin na balik-kontrabida na naman sa Batang Quiapo,” pahayag ni Ryza nang makausap siya ng Cabinet Files.
Ipinagtapat ni Ryza na na-miss niya nang husto ang pag-arte at paglabas sa telebisyon dahil tatlong taon na ang nakararaan buhat nang mapanood siya sa Bella Bandida, ang action drama series ng TV5.
Read: Ryza Cenon, bida sa role na unang pinasikat ng '70s sex symbol na si Rosanna Ortiz
“Sobrang na-miss ko po ang TV," sambit ng aktres.
"Ang last television project ko was Bella Bandida kaya nung tinanong ako kung okay sa akin na gampanan ang karakter na young Irma Adlawan, nag-yes po agad ako.
“Siyempre, si Miss Irma yon kaya nakaka-pressure man, tinanggap ko ang alok dahil isang malaking karangalan na maisip nila ako para gampanan ang isa sa mga importante na karakter sa show. Sobrang saya ko po.”
Nakatrabaho ni Ryza si Coco Martin nang lumipat ang dating Kapuso star sa ABS-CBN noong 2018. Ang FPJ's Ang Probinsyano ang isa sa mga unang proyekto niya bilang Kapamilya.
Read: Ryza Cenon transfers to ABS-CBN after being with GMA-7 for 14 years
Makalipas ang ilang taon, muling nagkasama ang dalawa sa TV remake ng Batang Quiapo dahil bukod sa pagiging bida, si Coco ang direktor ng mga eksena nina Ryza at Miles.
“Si Direk Coco po ang direktor ko at kasama ko rin siya eksena,” kuwento ni Ryza, na handang-handa nang maging aktibo sa kanyang acting career.
Bukas si Ryza sa posibilidad na gumawa ng teleserye para sa GMA-7 dahil sa mga collaboration project ng Viva Television at ng kanyang dating home network.
Aniya, “Freelance naman po ako kaya game ako. Nakaka-miss ding makatrabaho ang mga dating nakakasama ko sa mga show.”
Mapapanood si Ryza sa Kurdapya, ang upcoming comedy series ng Viva Television at TV5.
Bida rin siya sa dalawang pelikulang hinihintay na lamang na ipalabas sa mga sinehan—ang Sa Muli at ang Kunwari, Mahal Kita.
Si Xian Lim ang kapareha ni Ryza sa Sa Muli, at si Joseph Marco ang leading man niya sa Kunwari, Mahal Kita.