Ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na namataan sa kinaroroonan ng bahay ni Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co, at ang magkahiwalay na pagdating ng mag-asawang Sarah at Pacifico” Curlee” Discaya III sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
Ito ang mga balita ngayong Sabado, Setyembre 27,2025, tungkol sa mga personalidad na sangkot sa umano'y anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
May mga duda na may kinalaman kay Co ang pagdating ng mga pulis sa lugar na tinitirhan niya.
Dahil dalawang araw na ang nakalilipas, kumalat sa social media ang mga larawan ng tila paghahakot ng mga gamit na nangyayari sa tahanan ng kontrobersyal na kongresista.
Pero tiniyak naman ng pamunuan ng lugar na tinitirhan ni Co na walang dapat ikabahala ang mga residente dahil para sa kaligtasan at proteksyon nila ang maghapon at magdamag na pagbabantay ng mga tauhan ng PNP.
Read: Ellis Co speaks out against his father Congressman Zaldy Co
SARAH AND CURLEE DISCAYA AT DOJ
Kahit araw ng Sabado, nagsadya sa opisina ng DOJ sina Sarah at Curlee para sa pagpapatuloy ng evaluation sa kahilingan nila na sumailalim sila sa Witness Protection Program dahil sa mga pangalan ng mga prominenteng personalidad na isiniwalat nila na tumanggap ng komisyon mula sa pondo ng flood control projects.
Nang kumustahin ng mga miyembro ng media ang resulta ng pagbisita nila sa DOJ, imbes na sumagot, ang popular Korean sign na “finger heart" ang na tugon ni Sarah.
Hudyat ito para muling putaktihin si Sarah ng online bashing dahil naalibadbaran ang netizens sa kanyang pa-cute na inasal.


Si Sarah ang nabigong mayoral candidate sa Pasig City noong 2025 elections. May-ari sila ni Curlee ng St. Gerrard Construction.
Ang dalawa pa nilang construction companies, ang Alpha & Omega General Contractor & Development Corp. and St. Timothy Construction Corporation, ay Top 2 at Top 3 sa 15 na kumpanyang pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng pinakalamalaking pondo mula sa DPWH para sa flood control projects.
Read: Sarah at Curlee Discaya, minumulto ng pagpapakita nila ng yaman
ELLIS CO
Samantala, nadagdagan ang Instagram followers ni Michael Ellis Co, aka Ellis G., ang fashion designer at rap artist na anak ni Congressman Co.
Kinondena ni Ellis, 24, sa pamamagitan ng mahabang pahayag ang pagkakasangkot ng kanyang ama sa flood control project anomalies.
Sinasabi niya na 16 taong gulang pa siya nang bumukod sa mga magulang upang siya raw ay tumayo sa sariling paa.
Sa kasamaang-palad, walang gaanong nakisimpatiya kay Ellis dahil negatibo halos lahat ng mga reaksyon at komento sa social media post niya.
Taliwas sa sinasabi niya Ellis na pagdistansya niya sa pamilya, nahalungkat ng netizens ang mga resibo na nagpapakita na ang mga fashion shows ng kanyang kumpanya ay ginaganap sa mga lugar na pag-aari ng kanyang pamilya.
Dagdag pa rito ang sarili niyang investment sa kumpanyang pag-aari ng kanyang ama.
Ayon sa ulat ng Rappler noong September 26, may investment si Ellis sa Sunwest Construction construction company.
Ang Sunwest Construction ay Top 8 sa Top 15 contractors na nakakuha ng pinakamalaking pondo mula sa DPWH para sa flood control projects.
Sa privilege speech ni Senator Ping Lacson, inilantad niya na anim sa siyam na dike na gumuho sa Oriental Mindoro dahil sa substandard materials ay gawa ng Sunwest.
Kahapon, naglabas ng pahayag si Zaldy Co na nagsasabing babalik siya ng Pilipinas.
Pero walang tiyak na petsang binigay ang kongresista.
Bahagi ng pahayag niya: "I have every intention of returning to the Philippines.
"I am also intent on belying the false claims made against me before the proper forum.
"I received no funds in connection with DPWH projects."
Si Co ay chair ng House Appropriations Committee mula 2022-2025, at pinamunuan ang Bicameral Conference Committee na nag-apruba ng General Appropriations Act 2025 o national budget para sa taong ito.
Read: Sarah Discaya, ginisa ng mga senador sa Senate hearing