Ang mga international achievement ng young actress na si Therese "Teri" Malvar ang mga dahilan kaya napili siya bilang First Feature Competition jury ng Tallinn Black Nights Film Festival na magaganap mula November 11 hanggang November 27, 2022 sa Estonia.
Si Therese ang nanalo ng Silver George Best Actress award sa Moscow International Film Festival noong 2016 para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Hamog at pinarangalan siya bilang isa sa mga Rising Star sa New York Asian Film Festival noong 2016.
Siya rin ang kauna-unahang Filipina actress at pinakabata na Asian juror sa First Feature Competition section ng Tallinn Black Nights Film Festival, at makakasama niya ang Austrian director na si Sebastian Meise, ang producer na si Pippa Cross ng United Kingdon, German talent agent na si Georg Georgi at si Michael Idov, ang screenwriter mula sa USA.
Pupunta si Therese sa Estonia sa November 16, at excited siya sa kanyang pag-alis dahil mararanasan niya sa kauna-unahang pagkakataon na bumiyahe nang nag-iisa.
“Solo po ako! And yasss I could travel alone na since I’m 22-years old!” ang masayang balita ni Therese nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Sabado ng umaga, November 5.
Hindi inaasahan ni Therese na mapipili ito bilang hurado sa isang A-list film festival kaya ikinagulat niya nang kausapin siya ng kanyang manager na si Ferdy Lapuz, na namamahala rin sa mga acting career ng mahuhusay character actors na sina Dolly de Leon at Soliman Cruz.
“I was shocked when I heard the news from Tito Ferdy because Tallinn Black Nights is such a prestigious film festival, so it felt so impossible that they would invite me as a juror!
“Kinilig po talaga ako at natuwa nung unti-unti ko nang napa-process yung visa ko and unti-unti nang nakukuha yung ibang details from the festival director.
“It truly is an honor to be considered and selected as a jury member alongside award-winning filmmakers. It still feels like a dream.”
Naranasan na ni Therese na maging hurado sa iba’t-ibang mga film festival kaya magagamit niya ang mga karanasan sa kanyang pagdalo sa Tallinn Black Nights Film Festival, pati na ang mga natutunan bilang full-time film student mula sa mga guro ng Meridian International College
“Thankfully, I’ll be able to apply my experiences when I was a jury for local film festivals. I will also apply the knowledge and wisdom of film that my professors shared with me.
“And of course, nood lang nang nood po ako ng mga pelikula,which I love doing anyway,” ang sabi ni Therese na natawa nang itanong namin ang mga baon na dadalhin niya sa kanyang pag-alis papunta sa Estonia.
“For sure, marami akong pantulog po na dadalhin dahil I love sleepwear, pero ang pinaka-important na dadalhin ko ay powerbank dahil hindi ako marunong mag-charge,” ang napahalakhak na pahayag ni Therese.
“I bought na a powerbank na matindi para sa travel na ito! I remember losing din my powerbank when I traveled sa Japan for Tokyo International Film Festival, so medyo kinakabahan mga magulang ko kasi burara ako!”
Ang pelikula na Oras de Peligro at isang Wattpad series ang mga proyekto na maiiwan ni Therese habang nasa Estonia ito pero pinayagan siya na umalis dahil sa kanyang maayos na pagpapaalam.