Magpapatupad ng dalawang-buwang price freeze sa karne ng baboy at manok sa mga palengke sa Metro Manila simula sa Lunes, February 8.
Ito ang inanunsiyo ni Agriculture Secretary William Dar ngayong Martes, February 2, nang humarap siya sa pagdinig ng Kamara tungkol sa patuloy na pagtaas na presyo ng mga bilihin.
“The price ceiling will be effectively enforced by February 8, 2021,” sabi ni Dar.
Ang price cap sa karne ng baboy at manok ay alinsunod sa Executive Order No. 124, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, February 1.
Sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA), itinatakda ng EO 124 ang mga sumusunod na presyo sa karne ng baboy at manok:
PHP270.00 kada kilo ng pork kasim at pigue
PHP300.00 kada kilo ng pork belly (liempo)
PHP160.00 kada kilo ng dressed chicken
Ipaiiral ang price ceiling na ito sa loob ng 60 araw, “unless the same is extended by the President upon the recommendation of the DA,” ayon sa EO 124.
Sa House hearing, sinabi ni Dar na bagamat nakasaad sa order na epektibo “immediately” ang price ceiling kapag nailathala na ito sa Official Gazette ng gobyerno, nagpasya siyang ipagpaliban ito ng isang linggo.
Kaagad na na-upload sa officialgazette.gov.ph ang kopya ng EO 124 nitong Lunes matapos itong pirmahan ni Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Dar, binigyan daw ng DA ng pagkakataon ang stakeholders, partikular ang suppliers, na mag-adjust sa itinakdang presyuhan ng karne.
“The price ceiling is now in place but we are giving chance for everyone to understand na ito ay temporary at for two months lang.
“Para everyone is going to adjust, at mayroon naman tayong sense na mayroon nang nabili itong mataas na presyo… we’ll give them until Monday,” sabi ni Dar.
PRICE CAP EFFECTIVE IN PUBLIC MARKETS ONLY
Nilinaw naman ni Dar na ang price freeze ay ipatutupad lang sa mga palengke, at hindi sa mga supermarket.
Hindi raw kasi saklaw ng EO 124 ang mga supermarket, aniya.
Hindi naman binanggit ng Agriculture secretary kung bakit tanging mga palengke lang ang covered ng price freeze order ng Pangulo.
“Baka tatanungin po ninyo bakit hindi po isama ang supermarket?
“E, ito naman po ay may option ang mga mamimili.
“Kung gusto niya ay mas mababa—e mas mataas sa supermarket—e di pumunta siya sa public market.
“It’s now the consuming public that will decide,” ani Dar.