Muling ipinasara ng gobyerno ang ilang establisimyento at ibinalik ang dating limitasyon sa venue capacity sa Metro Manila at sa iba pang lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) hanggang sa April 4, 2021.
Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Malacañang press briefing ngayong Biyenes, March 19.
Ayon kay Roque, muling magpapatupad ng istriktong limitasyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases sa mga lugar na nasa GCQ ngayong patuloy na lumolobo ang nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
Batay sa IATF Resolution No. 103, “temporarily suspended” ang mga sumusunod na establisimyento sa lahat ng lugar na nasa GCQ sa susunod na dalawang linggo:
- Driving schools
- Cinemas
- Gaming arcades
- Libraries
- Archives
- Museums
- Cultural centers
- Limited social events sa mga establisimyentong accredited ng Department of Tourism
Kasabay nito, binawasan ng IATF ang venue capacity para sa mga sumusunod na events:
- Meetings, incentives, conferences, at exhibitions - 30% capacity
- Religious gatherings - 30% capacity
- Restaurants, cafes, at personal care services - 50% capacity
“HARD GCQ” OR “SOFT MECQ” LOCKDOWN
Samantala, nagpanukala ng “circuit-breaker lockdown” ang OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) sa mga alkalde ng Metro Manila upang makontrol ang pagdami ng COVID-19 cases sa rehiyon.
Ang lockdown proposal ng OCTA ay tinawag nitong “hard general community quarantine (hard GCQ),” na kung hindi pa rin umubra ay papalitan ng “soft modified enhanced community quarantine (soft MECQ).”
Sa isang virtual presser ngayong Biyernes, sinabi ni Professor Ranjit Rye, ng OCTA Research, na layunin ng circuit-breaker lockdown proposal na mabawasan ang reproduction rate ng hawahan ng COVID-19.
“Because if we reduce the [reproduction rate], which is now at 1.9, to something like 1 in the next two to four weeks, it’s going to eventually lower infections. It will have a definite impact on hospitalization and deaths,” quoted ng Inquirer.net si Rye.
HARD GCQ
Sa ilalim ng hard GCQ proposal ng OCTA, magpapatuloy ang trabaho sa gobyerno at pribadong sektor pero dapat na limitahan ang manggagawang papasok sa opisina.
Para magawa ito, maaaring magpatupad ng work-from-home o staggered working hours arrangements.
Lilimitahan kung hindi man tuluyang ipagbabawal ang lahat ng uri ng social gathering.
Kung maaari ay iiwasan ang indoor dining, at kung posible ay take-out na lang muli ang pag-o-order ng pagkain sa restaurants.
Magpapatupad din ng quarantine pass para lamang sa mga manggagawa.
Hindi naman sususpendihin ang mass transportation.
SOFT MECQ
Sakaling hindi umubra ang hard GCQ pagkatapos ng dalawang linggo, ang ipatutupad naman ay ang soft MECQ, ayon kay Rye.
Sa proposed soft MECQ ng OCTA, pahihintulutan pa rin ang trabaho sa gobyerno at pribadong sektor sa work-from-home o staggered working hours arrangements.
Magpapatuloy pa rin pero lilimitahan ang operasyon ng mga shopping malls, supermarkets, at iba pang essential businesses.
Istrikto ring ipagbabawal ang anumang uri ng social gatherings, sabi ni Rye.
Ngayong Biyernes, naitala ang pinakamataas na bagong COVID-19 infections sa buong panahon ng pandemya na umabot sa 7,103.
Sa kabuuan, 648,066 na ang nagpositibo sa virus sa Pilipinas, ayon sa latest data ng Department of Health (DOH).
Sa bilang na ito, 73,264 ang ginagamot sa ngayon.
Umabot na sa 12,900 ang namatay sa COVID-19 sa bansa.

