Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) noong September 22, 2021 sa publiko laban sa pagbili ng isang cologne scent mula sa local retail brand na Bench.
Sa Public Health Warning ng ahensiya, nilabel niya ang variant na "non-compliant."

Ayong sa Advisory No. 2021- 2349 ng FDA, tanging ang “Nine to Mine” scent ang tinukoy dahil sa mga sumusunod na paglabag:
- Ang mga ingredients na nakalista sa label ay hindi tugma sa mga impormasyon na nakadeklara sa acknowledged product notification.
- Ang address ng local company na responsable sa paglalagay ng produkto sa merkado na nasa label ay hindi tugma sa mga impormasyon na nakadeklara sa acknowledged product notification.
Ang ibang variants sa nasabing cologne line ay hindi kasama sa ipinagbabawal ng FDA.
Naririto ang kabuuan ng FDA advisory: https://bit.ly/3icMub8.
Samantala, kinontak na rin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Bench para kunin ang anumang pahayag nito tungkol sa public health warning ng FDA.
Ayon sa nakausap ng PEP.ph, "there is no issue with product safety or efficacy," at kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang brand sa FDA.