Mas pinili ni Mayor Vico Sotto ang mas murang brand ng chocolate drink para sa Christmas packs na ipamimigay ng Pasig City sa mga residents nito.
Dahil dito, malaking pera ang natipid ng syudad para sa kanilang Pamaskong Handog 2021 drive.
Sa ngalan ng transparency, inisa-isa ng city government via Mayor Vico’s verified Facebook account ang detalye ng ipamimigay na Noche Buena packs.
Agaw-atensiyon ang pagbanggit sa pagpapalit ng isang chocolate drink brand dahil mas mahal ito ng piso kesa sa napiling produkto.
Umabot sa PHP375,000 ang kabuuang na-save ng local government sa change order.
Dokumentado ang transaksiyon dahil ipinost din ang supporting documents para sa Christmas packs.
Bahagi ng post ni Mayor Vico: “Sa pangatlong pic makikita ang Purchase Order. Pero may change order tayo, SWISSMISS CHOCO MILK na (imbis na Goya) kaya bumaba pa ng 375,000 ang total price natin.”
Ang bawat bag ay naglalaman ng items na nagkakahalaga ng PHP625.67, na mas mababa sa suggested retail price na PHP640.
Nakagawa ang Pasig City ng 375,000 bags for a total of PHP234.6 million.
Paunawa rin sa post ng alkalde: “Wala pong bigas ang Pamaskong Handog 2021; sa bigas kasi madalas nagkakaproblema kapag ganito karaming packs.
“Dinamihan na lang natin yung ibang items-- mas mabigat to kaysa sa last year!”
Sa picture din ng purchase order, inisa-isa ang nilalaman ng bawat bag.
Ito ay ang mga sumusunod:
- Spaghetti noodles at spaghetti sauce set
- Chicken or beef meat
- Mixed fruit cocktail
- Sweetened creamer
- Chocolate drink (Swiss Miss)
- Corned tuna cans
- Elbow macaroni and mayonnaise pouch set
Sa Facebook post, binanggit pa ni Mayor Vico na lahat ay makikinabang sa kanilang Christmas offering drive na ipapamigay house to house.
“Higit sa kasiyahang ibinibigay sa atin ng pandagdag-Noche Buena na ito, patotoo ang Pamaskong Handog na posible ang paggogobyerno na pantay-pantay ang tingin sa bawat isa, kakampi man o hindi!”
Samantala, umani naman ng mga papuri ang ginawang ito ng alkalde. Ikinasiya ng netizens ang pagiging transparent ng pamumuno ni Mayor Vico.