Sa dami ng spam text messages na nagkalat ngayon, di maiwasang maisip kung ano ba ang sistemang ginagawa ng mga scammer.
Sinubukang ni Mario Alvaro Limos, features editor ng Esquire Philippines, na i-trace ang link na nakalakip sa text message.
Pagbabahagi niya, nakatanggap siya ng text messages mula sa limang estranghero tungkol sa isang “job opportunity” na ang suweldo ay nasa PHP50,000 kada buwan.
Iisa ang format ng text messages, at may link na kapag na-click mo, hindi mo alam kung saan ka dadalhin.
Ito ang mga screenshots ng text messages na kanyang natanggap.


Magkakaiba ang paraan ng pagkakasulat, pero lahat ay iisa ang intensiyon: ang i-click ang ipinadala nilang link.
Ayon kay Limos, alam niyang ang mga text messages ay scam, pero nag-click pa rin siya sa ipinadalang link.
ANO NGA BA ANG "JOB OPPORTUNITY" NA BINABANGGIT NG SPAM TEXT Message?
Matapos niyang i-click ang link, napapunta siya sa WhatsApp chat kung saan isang estranghero ang nakipag-usap sa kanya tungkol sa “job opportunity.”
Ayon sa nakausap niya, sa nasabing job opportunity ay may mga kukumpletuhing “tasks” na ang bayad ay nasa PHP9,000 per task.
Naririto ang mga screenshots ng kanilang conversation.
Ang sabi ng kausap niya, ang "online store" nila ay "partner of Amazon," at ang trabaho ay may kinalaman sa pag-aangat ng "ranking at popularity" ng mga merchants ng American multinational technology company.


Pero bago umano niya magawa ang mga tasks, kailangan muna niya na “mag-register” sa kanilang “company.”
Ayon pa sa nagkuwento, ang pangalan ng kumpanya ay “BGM.”
Isang registration page nga ang kelangang sagutan, pero paraan ito para makuha ang iyong usernames, passwords, at iba pang sensitive personal information.
Sa madaling sabi, isa itong “phishing tool," na delikado para sa karamihan ng netizens na gumagamit ng iisang username at password para sa iba’t ibang apps at online banking.
Ito ang screenshot ng registration page.

Gayunpaman, nagparehistro pa rin si Limos.
Matapos ang registration, hihingin ng contact ang screenshot ng username bilang patunay o proof ng complete registration, na ibinigay naman niya.
Nang makapag-register, na-access niya ang website na nagpapanggap na isang e-wallet.

Mayroon itong “live stream” ng mga payouts mula sa mga participants, pero parang animated GIF lang na naka-embed sa page.
PAANO MANANAKAW NG SCAMMER ANG INYONG PERSONAL DETAILS?
Ang isa sa mga tabs ng page ay may label na “Bank Card,” kung saan maaaring i-enroll ang inyong debit card sa isang “app.” Kailangan lang i-input ang lahat ng detalye mula sa inyong card—para diumano ay makapag-encash kayo ng kinita mula sa mga “tasks” na ipinagawa sa inyo.


Babala ng nagkuwento, huwag mag-i-input ng anumang detalye. At huwag na huwag magta-type sa page dahil ang inyong banking credentials ay mananakaw ng mga scammers/phishers.
Kapag nag-type kayo ng inyong card details, ang mga phishers ay magkakaroon ng access sa inyong credit card dahil nakuha na nila ang inyong phone number, ang inyong user name, ang inyong password, at maging ang inyong legal name. Sapat na ang mga detalyeng ito para makapag-shopping sila gamit ang inyong card.
PLANADO AT ORGANISADONG PHISHING SCAM
Parang napakasimple lang ng mga spam text messages, ngunit isa itong planado at organisadong scam na ginagamit para makapanloko ng mga taong gustung-gustong magkaroon ng trabaho ngayon pandemic.
Ang mga scammers/phishers ay posibleng nakaabang na sa inyong Christmas bonuses or 13th-month payouts bago umatake—o kaya ay nagsa-shopping na ng kung anu-ano gamit ang inyong bank card details.
Ayon kay Limos, sa susunod na may matanggap kayong ganitong klase ng text messages, huwag pansinin at agad na i-delete.
Kapag ang text message ay hindi kapani-paniwala ang mga offer, malinaw na ito ay isang scam.
Use these Zalora vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
