Tanging ang mga pasaherong fully vaccinated ang papayagang makasakay sa domestic flights simula January 17, 2022.
Inianunsiyo ito ng Philippine Airlines, Cebu Pacific, at AirAsia kahapon, January 16.

Ayon sa airline companies, mga fully vaccinated domestic travelers lang ang papayagan nilang isakay papunta at mula sa Metro Manila.
Alinsunod ito sa ipinatutupad na "no vaccination, no ride" policy ng pamahalaan sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ang "no vaccination, no ride" policy ay epektibo sa ilalim ng Alert Level 3 (o mas mataas pang alerto) sa NCR. Sakop nito ang paglalakbay sa lupa, tren, dagat, at himpapawid.
Papayagang makabiyahe ang ilang pasahero kahit hindi sila fully vaccinated laban sa COVID-19 kung:
- May importanteng dahilan ang pagbiyahe papunta o mula sa Metro Manila, gaya ng mga may medical conditions at hindi puwede ang full COVID-19 vaccination, pero kailangan nilang magpakita ng medical certificate na may pangalan, lagda, at contact details ng physician;
- Kailangang bumili o maghatid ng essential goods and services ngunit kailangang may kaakibat na barangay health pass o iba pang katibayan para payagan silang makabiyahe.
Papayagan ang mga batang edad 11 pababa sa mga biyahe ng PAL kahit walang medical certificate, ngunit kailangan pa rin nilang magpakita ng “proof of essential travel”.
Ang mga pasahero ng PAL at Cebu Pacific na maaapektuhan ng polisiya ay maaaring mag-rebook ng kanilang biyahe, o gamitin ang halaga ng kanilang tiket bilang travel fund o credit.
Papayagan naman ng PAL ang mga apektadong pasahero na ma-refund ang kanilang tiket.
Dinepensahan ng Department of Transportation ang "no vaccination, no ride" policy, at sinabing layunin nitong maprotektahan ang publiko, at para maiwasan ang shutdown ng public transportation dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
"We believe that it is more anti-poor and anti-life if we will not impose interventions that will prevent loss of life due to non-vaccinations," ayon sa DOTr.