Pasok ang Butuan City bilang winner sa global competition na inilunsad ng isang U.S.-based international philanthropic organization.
Sa nasabing kumpetisyon, ang mga siyudad sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nagpatagisan ng proposals na makatutulong na iangat ang kanilang siyudad sa panahon ng pandemya.
Kasama ang Butuan City sa labinlimang (15) winners ng 2021-2022 Global Mayors Challenge ng Bloomberg Philanthropies.
Ang Bloomberg Philanthropies ay isang philanthropic organization na itinayo ng dating New York City Mayor na si Michael R. Bloomberg para sa kawanggawa.
Kasama sa mga napanalunan ng Butuan City ang US$1M (o PHP51 milyon), dagdag na technical support at coaching sa susunod na tatlong taon para umusad ang proposal ng siyudad na layong makatulong sa local government unit nito.
Ang proposal ay pinamagatang “AgriBOOST,” na may layuning palakasin ang agricultural competitiveness ng mga magsasaka sa lugar sa pamamagitan ng technical and resource support.
Target rin ng AgriBOOST na ma-increase ang vegetable production sa hanggang 150 percent, mula sa 19 percent noong 2020.
Kung maisasakatuparan ito, mapapababa ang average vegetable retail price ng hanggang 50 percent pagsapit ng 2023.
Higit sa lahat, magiging self-sufficient at magiging source ng agricultural products sa loob at labas ng bansa ang Butuan.
Pahayag ni Butuan City Mayor Ronnie Vicente Lagnada, “This is a tremendous honor for the city.
"It showcases the constant strives we make each day to think bigger and bolder."
Bukod sa Butuan City, narito ang 14 pang siyudad mula sa ibang bansa ang nakapasok: Istanbul, Turkey; Freetown, Sierra Leone; Rourkela, India; Bogota, Colombia; Hermosillo, Mexico; Amman, Jordan; Vilnius, Lithuania; Wellington, New Zealand; Rotterdam, Netherlands, Rochester, Minnesota, USA; Phoenix, Arizona, USA; Paterson, New Jersey, USA; Kumasi, Ghana; Kigali, Rwanda
BUTUAN CITY MAKES THE CUT
Noong June 2021, inanunsiyo ang pagkakapasok ng Butuan City sa first cut ng kauna-unahang Global Mayors Challenge na inilunsad ng Bloomberg Philanthropies.
Dito, limampung (50) siyudad ang nakapasok. Pinili sila mula sa 630 applicants mula sa 99 na bansa.
Ang 50 cities na ito ay mula sa mga kontinente ng North America, Latin America, Europe, Asia-Pacific, Middle East, at Africa.
Sabi noon ng founder na si Michael Bloomberg, "These 50 finalists are showing the world that in the face of the pandemic's enormous challenges, cities are rising to meet them with bold, innovative, and ambitious ideas."
Ito naman ang sabi ni Mayor Lagnada para maisulong ang AgriBOOST: “The pandemic has heightened our sense of food and nutrition insecurity.
“We felt the urgency to accelerate our city's transformation from a net importer of vegetables to a net exporter."
