Libre na ang Seaman’s Book para sa mga kababayan nating first time kukuha nito.
May 50 percent discount naman ang mga magre-renew.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa programang Talk to the People noong January 24, 2022.
Ayon kay Tugade, ang mga bagong presyo sa pagkuha ng Seaman’s Book ay inaprubahan ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Makakatipid ang mga Pinoy seafarers ng PHP1,000 hanggang PHP1,800.
Epektibo ang libreng Seaman’s Book para sa mga bagong kukuha nito hanggang sa katapusan ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mananatili naman ang renewal discount hanggang December 2022.
Ani Tugade, “Ito ho ang tulong natin sa seafarers. Ito ho ang isang tulong natin sa ating mga bayani habang may pandemya.”
Ang Seaman’s Book—na tinatawag ding seafarer’s identification and record book—ay isang komprehensibong dokumento na parang passport, na nagdedetalye sa personal na buhay ng isang seafarer o marino.
Nakatala rin dito at kung saan, kailan, paano at kung anong barko na ang kanyang nasakyan at napagtrabahuhan.
Isa itong standard requirement para sa nasabing propesyon. Hindi makapagtatrabaho sa barko ang isang marino kung walang Seaman’s Book.