Pinaalalahanan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na dapat nilang ingatan ang kanilang Philippine Identification System (PhilSys) registration transaction slip.
Sa inilabas na advisory noong January 21, 2022, ipinaalala rin ng PSA na iwasan ang pagpo-post ng transaction slip sa alinmang social media platform.
Ito ay para matiyak na ang kanilang mga personal na impormasyon ay nananatiling confidential.
Ang transaction slip din at kahit anong valid ID ang ipakikita ng registrant sa magde-deliver ng kanyang PhilID card.
"Ang inyong transaction slip ay mahalaga para masiguro na maibibigay ang PhilID sa tamang may-ari," ayon sa PSA.
Libreng ide-deliver ng Philippine Postal Corporation (PHLPost), ang official courier partner ng PSA, ang PhilID direkta sa address na inilagay ng registrant sa kanyang aplikasyon.
Tatlong beses tatangkain ng PHLPost na mai-deliver ang PhilID.
Kung walang tumanggap o hindi mai-deliver, ang PhilID ay dadalhin sa itinakdang pinakamalapit na Post Office sa home address ng may-ari ng ID, at maaaring i-claim sa loob ng 30 araw.