Sisimulan na sa February 4, 2022 ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa mga batang 5 to 11 years old.
Inanunsiyo ito mismo ni Secretary Carlito Galvez Jr., COVID chief implementor, nitong Lunes, January 24, 2022.
Bahagi ito ng government efforts para kontrahin ang mabilis na pagkalat ng Omicron variant ng COVID-19.
Ang pagbabakuna sa mga bata ay magsisimula sa Metro Manila.
Para sa pilot run, dalawang vaccination sites ang itatayo sa bawat siyudad: isang hospital-based at isang LGU-based.
Pagkalipas ng isang linggo ipatutupad ang second phase. Ikakalat na ang inoculation sa buong Metro Manila at sa iba pang rehiyon sa bansa.
"We will open our vaccination rollout sa February 4," ani Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa late-night program na Talk To The People.
"Makaka-assure po tayo, Mr. President, sa ating mga magulang na very safe ang ating gagamitin na bakuna dahil ito ay mas mababa ang formulation na angkop para sa mga bata."
Ani Galvez, inaasahan ding ngayong linggo ay mag-iisyu ang pamahalaan ng memorandum guidance, kabilang ang pagkakaroon ng town hall meetings kaugnay ng rollout ng pagbabakuna para sa mga bata.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 13.5 milyong kabataan edad 5-11 gamit ang "reformulated Pfizer vaccine."
Inaasahang darating sa bansa ang reformulated Pfizer COVID-19 vaccines sa February 2.
Sa pagsisimula ng pagpapabakuna sa mga bata, umaasa ang pamahalaang mapipigilan ang mabilis na pagkalat ng nakahahawang Omicron coronavirus variant, na naging dahilan ng mabilis na pag-akyat ng bilang ng mga nahawaan.
Nakapagtala ng 15,789 COVID-19 cases nitong January 26, 2022.