Sinabi ng Department of Health noong February 3, 2022 na nasa 87 percent ng mga Pilipino ang may oral health problems, gaya ng sirang ngipin at gum diseases.
Sa ginanap na media forum, sinabi ni Dr. Shirley Mosende, ang DOH Region 10 dental office chief, na ang dalawang nabanggit na oral health problems ay dapat nang pagtuunan ng atensiyon ng lahat.
At magsisimula ito sa pagbubuntis ng ina.
Sabi ni Mosende, ang mga Pinay na nagbubuntis ay dapat na magkaroon ng magandang nutrisyon para habang nasa tiyan pa lang ang bata ay may sustansiya na itong makukuha na magpapatibay sa mga ngipin nito.
Karamihan raw sa mga bata ay nagsisimulang masira ang ngipin pagsapit ng limang taon.
Nagkakaroon din ang mga ito ng oral health problems kung hindi palagiang mino-monitor ng parents ang kanilang ngipin.
Naging problema rin aniya ngayong may pandemya ang oral health ng mga Pilipino dahil marami na ang tinatamad na magsepilyo.
"Some will say they no longer have to brush their teeth because they are wearing face masks, but that is not good," ayon pa kay Mosende.