Libre ang pagsakay para sa mga babaeng pasahero sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong Martes, March 8, 2022 bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang libreng sakay at “special treats” para sa kababaihan ay mula 7:00 A.M. – 9:00 A. M. at mula 5:00 P.M. – 7:00 P.M. sa lahat ng LRT-2 stations.

Magsasagawa rin ang LRTA ng blood typing tests, blood pressure checking, at random blood sugar tests sa Recto at Araneta Center-Cubao stations mula 8 a.m. – 5 p.m.
Ayon kay LRTA chief Jeremy Regino, “These activities aim to honor and recognize the indispensable role of women in our society as well as reaffirm DOTr and LRTA’s commitment to gender equality and women empowerment.”
Inianunsiyo naman ng MRT-3 na magkakaloob din sila ng libreng sakay sa mga kababaihan kasabay ng iskedyul ng LRT-2.
Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager Assistant Secretary Eymard Eje, “Kaisa po ng buong bansa ang pamunuan ng MRT-3 sa pagdiriwang at pagsaludo sa dedikasyon, galing at puso ng bawat kababaihang Pilipino.”
Ang national women’s month ay ipinagdiriwang sa buong buwan ng Marso para bigyang pugay ang mga naging tagumpay ng kababaihan, madetermina ang mga kinakailangang aksyon para sa gender equality, at patuloy na mapalaganap ang women empowerment.
Ang pagdiriwang ngayong 2022 ay may temang “We Make Change Work for Women.”