May bagong requirement ang mga college students bago sila sumabak sa face-to-face classes.
Kailangan muna nilang magparehistro sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) o sa kahit anong private health insurance.
Ito ang inihayag ni PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Dr. Shirley Domingo sa isang televised public briefing na ginanap noong April 19, 2022.

Ayon kay Domingo, ang requirement ay nagmula sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular No. 2021-001.
"Nakalagay po doon na iyong estudyante ay kailangan pong magkaroon ng PhilHealth registration o kahit anong katumbas na medical insurance para magkaroon naman sila ng proteksiyon habang nagpi-face-to-face classes po sila," paliwanag ni Domingo.
Wala pa aniyang eksaktong bilang ng mga college students na nagparehistro na sa PhilHealth, pero patuloy na nakakatanggap ang ahensiya ng applications mula sa regional offices nito at iba pang eskuwelahan.
Sa ilalim ng national health insurance program, ang mga indibidwal na “under 21 years old” ay dependents pa ng primary members, gaya ng kanilang mga magulang.
Ang mga estudyanteng under 21 years old na rehistrado sa pamamagitan ng kanilang parents ay kailangan lang ipakita ang PhilHealth Member Data Record (MDR) sa kanilang school, ayon kay Domingo.
Dagdag pa niya, "Kung hindi naman nadeklara as dependent sa mga magulang nila, so, ang advice po natin sa mga magulang ay mag-update ng kanilang membership at idagdag itong mga estudyante na ito as their dependents.”
Paano kung ang parents ng under 21 years old ay hindi member ng PhilHealth?
Sa ilalim ng Universal Health Care Law, lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth. Kailangan lang nilang magpatala sa alinmang PhilHealth office.
Ang mga estudyante na 21 years old and above ay hinihikayat na direktang magparehistro sa alinmang PhilHealth offices bilang primary members.
Dahil magiging primary members sila, magkakaroon sila ng PhilHealth Identification Number na kanilang magagamit bilang primary contributors.
Maaari silang magbayad ng contributions online gamit ang PhilHealth website o sa mga bangko at accredited collecting agents.
Ani Domingo, sakaling ma-expose o magkaroon ng COVID-19 ang mga estudyante, maaari silang mag-avail ng benefits.
“Kung ma-isolate sila sa mga community isolation units, mayroon tayong benefits doon. Huwag naman po sana. Pero in-patient benefits, mayroon din tayo.”