Pinalawig pa ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay sa Metro Rail Transit-3 (MRT-3) hanggang May 30, 2022 sa kabuuan ng operating hours mula 4:40 A.M. hanggang 10:10 P.M.
Nagsimula ang programang libreng sakay noong March 28 at nakatakda sanang matapos ngayong April 30.
Ayon sa DOTr, layon ng ahensya na patuloy na makapaghatid ng tulong sa mga commuters na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at krudo.
Ito rin ay upang mas marami pa ang makinabang sa mas pinaayos at pinagandang serbisyo ng newly-rehabilitated MRT-3 line.
Masusubukan din ng MRT-3 management kung kakayanin ng kapasidad at operasyon nito ang pagsasakay ng mahigit 350,000 pasahero kada araw.
Sa tala ng DOTr, umabot na sa 7,227,434 pasahero ang naserbisyuhan ng libreng sakay sa MRT-3 mula nang ilunsad ang programa.