Tatagos nga ba ang markers na gagamitin sa shading at makaaapekto sa ovals para sa ibang kandidato sa mga balota para sa May 9, 2022 elections?
Naging isyu ito matapos makatanggap ang ilang netizens ng screenshots ng text messages na nagsasabing bumabakat ang marker sa harap at baka mapabilang ang boto sa ibang kandidato.
Isang Twitter user din ang nagsabing kapag nag-shade ng ovals para sa dalawang national candidates, bumabakat ito sa ovals ng party-lists.
Pinabulaanan naman ito ni election lawyer Emil Marañon III.

Paliwanag ni Marañon sa kanyang Twitter account, “Stop spreading fake news. The ballot was designed na hindi nagpapantay yung ovals para kahit mag-blot at tumagos sa kabila, hindi matatamaan ang ovals sa other side.”

Ang disenyo ng mga balota ay makikita sa mga sample o template ballots na nasa website ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa bawat balota ay may instructions din kung paano ang pagboto at shading, gaya ng nakalagay sa templates.
Naririto ang tatlong instructions kung paano ang pagboto:
- Completely blacken the inside of the circle beside the name of the desired candidate.
- Use only the marking pen provided for blackening the circles.
- Do not blacken more circles than what is intended.

Batay sa Resolution 10419, ang general instruction ng COMELEC sa mga botante ay kailangang i-"fully shade" ang ovals para siguradong mabilang ang kanilang boto.
Ayon pa sa isang tweet ni Marañon, “The effect of under-shading is, it might NOT satisfy the minimum threshold required by Comelec for a shade to be counted as a valid vote.”
Ang threshold ng ballot shading ay kailangang nasa 25 percent o "PUWEDENG MABASA" gaya ng larawan sa itaas.
Ngunit para makatiyak na mabibilang ang inyong boto, lagyan ng shade ang buong oval.
Pinayuhan naman ni Marañon at ng mga COMELEC officials ang publiko na huwag nang i-share ang screenshots ng text messages na nagtataglay ng maling impormasyon tungkol sa shading ng ovals sa balota.