Maaaring mag-apply sa mga bakanteng posisyon sa gobyerno ang mga jobseekers sa gaganaping nationwide Independence Day job fairs sa June 12, 2022.
Ayon sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), may 10,000 job vacancies sa government sector.
Kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na may bakanteng posisyon ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines, at Bureau of Internal Revenue.
Lalahok din sa job fair ang private sector na may 135,500 jobs available.
Nangangailangan ang mga kumpanyang kalahok sa job fair ng mga production operator, customer service representative, micro finance officer, loan officer, sewer, at sewing mechanic.
May mga kumpanya rin para sa employment abroad na kailangan naman ng nurse, factory worker, household service worker (HSW), carpenter, mason at cleaner.
Ang main venue para sa June 12 program ay sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos.
Dadalo sa okasyon ang mga opisyal ng DOLE sa pangunguna ni Secretary Silvestre Bello III, at iba pang stakeholders.
Ang job fairs sa National Capital Region ay gaganapin sa Robinsons Place Manila, Pasig City Sports Complex, at Vista Mall sa Taguig City.
Sa June 14 ay isa pang job fair ang gaganapin sa Fortunate Village ClubHouse Gymnasium sa Parañaque City.
Ang kumpletong listahan ng job fairs sa buong bansa ay maaaring ma-access sa link na ito.