Dismayado si Senator Grace Poe sa mabagal na pagpoproseso at delivery ng National ID.
Inilabas ng senadora ang kanyang pagkadismaya sa pamamagitan ng isang post sa kanyang official Facebook page noong June 23, 2022.
Ayon sa post ng senadora, “Ang paghihintay ng mga Pilipino ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang National ID ay hindi katanggap-tanggap.”
Dagdag pa niya, “Nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na bilisan na ang pamamahagi ng National ID at tiyakin na wasto ang mga datos nito.
“Kung may ID na, mas mapapadali sana ang mga transaksiyon ng ating mga kababayan sa gobyerno at pribadong sektor.”
Si Sen Poe ang Chair ng Senate Committee on Public Services.
Aniya, patuloy sa paghikayat ang PSA sa publiko na kumuha ng National ID, kaya nararapat din na bilisan nito ang pagpoproseso.
“With more than half of the population registered, the Filipinos have given the program a chance. It’s high time that the government does its share by delivering the National ID to our citizens without further delay.”
Nag-react ang netizens sa post ng senadora at kanya-kanyang litanya ng reklamo dahil nga hindi pa nila natatanggap ang kanilang National ID.


Kabilang sa mga reklamo ang hindi sabay-sabay na pagdating ng mga ID kahit pa iisang petsa lang nagpatala ang magkakamag-anak.
May maaga umanong dumating, at mayroong hanggang ngayon ay wala pa rin.
Sinasabi rin ng ibang netizens na kahit may National ID na sila, hinahanapan pa rin sila ng ibang ID kapag may transaksiyon.
Ni-reshare naman ng aktres na si Ruffa Gutierrez ang FB post ni Senator Poe sa kanyang Twitter account. Gaya ng maraming Pilipino, hindi pa rin umano niya natatanggap ang kanyang ID.

Ang tweet ni Ruffa (published as is), “It’s been more than a year I think - I have not received my National ID.”
Matatandaang nilagdaan para maisabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 2018 ang Republic Act 11055, o ang PhilSys Act, na naglalayong magkaroon ng “single national ID for all Filipinos and resident aliens.”
Ang National ID ang magsisilbing valid proof of identity para mapabilis ang public and private transactions, enrolment sa schools, at pagbubukas ng bank accounts.
Gagamitin din ito para epektibong maihatid ang mga serbisyo ng gobyerno, gaya ng pagkakaloob ng ayuda, tulong medikal at iba pa para may pagkakakilanlan sa mga benepisyaryo.
Hanggang noong June 8, tinatayang nasa 66,482,398 Pilipino na ang nakapagparehistro sa National ID.
Nasa 10,548,906 naman ang nakatanggap na ng kanilang ID as of April 30, 2022.