Nagpakawala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Central Luzon (BFAR-3) ng mahigit 80,000 tilipia fingerlings sa Almacen River sa Hermosa, Bataan nitong August 15, 2022.
Layunin ng aktibidad na mapasigla ang aquaculture industry at bigyang-buhay muli ang nasabing ilog.
Alinsunod din ito sa programang Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BASIL) ng BFAR na naglalayong pangalagaan at pagyamanin ang nasabing ilog at mga isdang naninirahan dito.
Ang pagpapakawala ng fingerlings ay pinangunahan nina Bataan Provincial Fisheries Officer Harlyn Recabar-Purzuelo at BFAR-3 BASIL focal person Al Dimaquibo.
Ang mga fingerlings ay inalagaan muna ng BFAR sa Technology Outreach Station for Freshwater species (TOSFW) na nasa Castillejos, Zambales.
Tiwala ang BFAR na sa tulong ng mga fingerlings na pinakawalan, magiging mas produktibo at darami pa ang mga isda sa Almacen River.
Para kay Hermosa Municipal Agriculturist Vincent Mangulabnan, magiging malaking suportang pangkabuhayan para sa mga mangingisda sa ilog ang mga pinakawalang semilya ng tilapia dahil dadami ang kanilang huli sa mga susunod na buwan.
Ayon naman kay BFAR-3 Regional Director Wilfredo Cruz, “This will help improve the productivity and sustainability of the lives of the fisherfolk in Hermosa town.”
Tiniyak din ni Cruz na mataas ang tsansa na mabuhay ang mga pinakawalang fingerlings dahil maayos ang kalidad ng tubig sa Almacen River.
Pinayuhan niya ang mga mangingisda na sumunod sa ligtas, naaayon at environment-friendly na paraan ng pangingisda para ma-maximize ang mga benepisyo ng water resources.
Aniya, “This is through the appropriate use of gears, non-use of harmful fishing methods, and venturing into possible ways of processing the fish catch."
Ang BASIL, na inilunsad noong 2017, ay isang five-year project para sa rehabilitasyon ng malalaking ilog sa ating bansa.
Target ng BASIL na makapagpakawala ng 210 million fingerlings sa malalaking lawa at mga ilog.