Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso sa bansa, kasama ang Pilipinas sa itinuturing ng United States Centers for Disease Control and Prevention (US CDC) na "high risk" sa COVID-19.
Inilagay ang Pilipinas sa Level 3 o may mataas na level ng COVID-19 noong August 16, 2022.
Ang Level 3 ay tumutukoy sa mga lugar na may mahigit 100 kaso kada 100,000 residente sa nakalipas na 28 days.
Inirekomenda ng US CDC na iwasan ang magbiyahe sa Pilipinas kung hindi up to date sa bakuna ang mga dayuhang bibisita.
Ang Level 3 ang siyang pinakamataas na batayan pagdating sa risk level makaraang baguhin ng US CDC noong April ang ratings system nito sa pagtataya kung gaano kalaki ang panganib na mahawa sa COVID-19 ang mga bibiyahe sa ibang lugar.
Nakareserba naman ang Level 4 para sa "special circumstances," kabilang ang “extremely high case counts” o pagbagsak ng healthcare system.
Ayon naman sa Department of Health (DOH) noong August 15, nakapagtala ang Pilipinas ng halos 4,000 na bagong kaso ng COVID-19 kada araw. Binanggit din ng DOH ang patuloy na pagtaas ng mga bagong kaso sa buong bansa.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ang napaulat na arawang kaso ay may average na 3,993 mula August 3 hanggang August 9, at mataas ng 12 percent kumpara sa average ng nakalipas na linggo.
Gayunpaman, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bagong kaso, sinabi ng DOH na ang Pilipinas ay nananatiling nasa “low risk” sa COVID-19 kung ikukunsidera ang two-week growth rate, average daily attack rate, at maging ang hospital utilization rate.