Inaasahang mas mapapabilis ang proseso para sa travelers na dumarating sa Pilipinas ang paglulunsad ng electronic Arrival Card o eArrival Card.
Ito ang ipinalit sa One Health Pass, ang electronic government online database sa mga pumapasok sa bansa sa panahon ng pandemic.
Inanunsiyo ito ng Department of Health (DoH) nitong October 25, 2022 kasunod ng mga reklamo o “inconvenience” mula sa mga travelers.
Sabi ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing, "Ngayon, to ease itong restriction sa One Health Pass, itong requirement na ito, ginawa nang eArrival Card.
“Kakaunting datos na lang ang nakalagay diyan, wala na pong masyadong hinihinging requirements."
Ang objective ng eArrival Card ay kapareho rin ng One Health Pass: kunin ang information ng pasahero, gaya ng travel details at vaccination status.
Ang form ay maa-access pa rin sa onehealthpass.com.ph habang inaayos pa ang official site ng eArrival Card.
Guidelines sa pagkuha ng eArrival Card:
Saan makukuha ang form ng eArrival Card? Magkano?
Maa-access ito via onehealthpass.com.ph. Ito ay libre at walang bayad.
Kelan ito dapat ma-fill-out?
Para maiwasan ang anumang aberya, inirerekomendang i-fill out ng inbound travelers ang eArrival Card within 72 hours bago ang kanilang departure papuntang Pilipinas.
Kailangan ba ng internet connection?
Oo. Kinakailangan ng internet connection para sa pag-access ng eArrival Card dahil isa itong online platform.
Kailangan pa bang i-download ang app?
Hindi na ito kailangang i-download. Maa-access ito via mobile o computer internet browser.
Paano kapag hindi ako nakapag-fill out ng eArrival Card bago dumating ng Philippine airport?
Pagdating sa airport sa Pilipinas, mayroong special lane kung saan puwede mong i-access at i-fill out ang form.
Abiso ni Vergeire: “Kung hindi mo ma-upload yan, meron tayong special lane sa ating airports kung saan ia-assist ka nila. Doon ka mag-a-upload at doon mo makukuha ang eArrival card mo.”
Kailangan bang i-register ang babies? Paano ang foreigners?
Oo. Kailangang ma-register sa eArrival Card ang lahat ng inbound travelers, Pilipino man o foreigners, kabilang ang mga sanggol at bata.
Ano ang kaibahan ng pagkuha ng QR code at barcode?
Ang QR code at barcode ay required sa mga travelers “prior to boarding their flights to the Philippines.”
Ang pagkuha ng QR code ay nangangahulugang nakumpleto mo ang lahat ng requirements at attachments, at nag-comply ka sa latest entry protocol.
Mainam ang QR code dahil pre-qualified ka sa express lane—hindi mo na kailangang magpakita ng iba pang supporting documents sa quarantine officer. Wala na ring further interviews.
Sa barcode naman, ibig sabihin ay mayroon kang missing requirements at kailangang ma-interview ng Bureau of Quarantine (BOQ) personnel pagdating sa airport sa Pilipinas.
Ive-verify ng BOQ personnel kung kailangan mong sumailalim sa facility-based quarantine at RT-PCR testing.
Isasagawa rin sa pasahero ang verification kung kailangang ma-evaluate ng submitted documents at information.
Matapos ang registration, ano ang kasunod?
Kunan ng screenshot ang iyong personal QR code o barcode bago i-close ang website.
Kailangang ipakita ito sa airline representative bago mag-board sa iyong flight, at posibleng hilinging ipakita ito sa BOQ personnel pagdating sa Pilipinas.
Paano kung nawala ko ang screenshot ng aking QR code o barcode?
Sa mga nag-register sa loob ng 72 hours bago dumating sa Pilpinas, maaaring makakuha ng QR code/barcode copy sa “My Profile” tab ng website.
I-type lang ang iyong apelyido at transaction number at i-press ang log in.
Related article: Electronic Arrival Card Replaces One Health Pass to Make Entering the Philippines Easier
