Matatanggap na ng mga regular government employees ang kanilang year-end bonus at cash gift simula November 15, 2022.
Inianunsiyo ito ng Department of Budget and Management (DBM) noong November 14, 2022.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang year-end bonus ay katumbas ng one-month basic pay kagaya ng natanggap noong October 31.
Ang cash gift naman ay nagkakahalaga ng PHP5,000.
Aniya, ang pagre-release ng year-end bonus at cash gift ay nakapaloob sa General Appropriations Act para sa kasalukuyang taon.
Dagdag pa niya, “For sure, many of our fellow government workers have been looking forward to this.”
Batay sa DBM Budget Circular (BC) No. 2016-4 na may petsang April 28, 2016, ang year-end bonus at cash gift ay ipagkakaloob sa mga regular government personnel, kabilang ang mga nakapagtrabaho na ng apat na buwan na saklaw ng petsa mula January 1 hanggang October 31 ng taong kasalukuyan.
Pinayuhan naman ni Pangandaman ang mga regular government personnel na maging maingat sa paggastos sa kanilang bonus, lalo pa at mahal ang mga bilihin ngayon.
Aniya, “We wish to remind our fellow government workers to budget and spend wisely, as what we would always promote here at the DBM.”
Batay sa pagtataya ng Civil Service Commission, may 1.7 milyon na empleyado na nakatalaga sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.