Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na suspendihin muna ang pagtataas ng premium rate and income ceiling para sa calendar year 2023.
Ito ang inihayag ng Malacañang ngayong January 3, 2023.
Sa inilabas na memorandum ng Office of the President na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinag-uutos ang pagpapahinto sa nakatakdang pagtataas ng PhilHealth premium rate mula four percent na magiging 4.5 percent, at income ceiling mula PHP80,000 na magiging PHP90,000.
Binanggit ni Bersamin ang “socio-economic challenges” at “difficult times” bilang mga dahilan sa suspensiyon ng pagtataas ng premium rate at income ceiling.
Ayon sa memorandum (published as is), “In light of the prevailing socioeconomic challenges brought about by the Covid-19 pandemic, and to provide financial relief to our countrymen amidst these difficult times, please be informed that the President has directed PhilHealth to suspend the above-mentioned increase in premium rate and income ceiling for Calendar Year 2023, subject to applicable laws, rules and regulations.”
Ang dagdag sa premium rate at income ceiling ay nakasaad sa Republic Act (RA) No. 11223 o ang Universal Health Care (UHC) Act.
Sa ilalim nito, ang premium rate ay tataas nang 0.5 percent kada taon simula 2021 hanggang sa maabot ang 5 percent sa 2025.
Matatandaang noong January 2021 ay ipinag-utos din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na suspendihin ang pagtataas ng singil dahil sa health crisis.