Naglabas ang LinkedIn ng listahan ng “Jobs on the Rise” ng “15 of the fastest-growing job titles” sa Pilipinas sa nakalipas na limang taon.
Ang 2023 Jobs on the Rise list ng LinkedIn na na-publish sa website nito last January 18, 2023, ay batay sa pagsusuri sa milyun-milyong trabaho na sinimulan ng LinkedIn members mula January 1, 2018 hanggang July 31, 2022, para makalkula ang growth rate ng bawat job title.
Sa ranking, kinakailangan na ang job title ay nagkaroon ng consistent growth sa LinkedIn membership base, at malaki ang itinaas pagsapit ng 2022.
Ang LinkedIn ay isang business and employment-focused social media platform. Pag-aari ito ng Microsoft, at inilunsad noong May 5, 2003.
Ginagamit ito sa professional networking and career development, at pinapayagan ang mga naghahanap ng trabaho na mag-post ng kanilang resume.
Nagpo-post naman ang employers ng job vacancies.
Sa Pilipinas, tinatayang mahigit pitong milyong individuals ang may LinkedIn profile.
Naririto ang listahan ng job titles:
1. CLINICAL RESEARCH ASSOCIATE
Ang clinical research associate ang nagse-set up, nagsasagawa, at nagsu-supervise ng clinical trials and studies para matiyak kung gaano ka-epektibo at ligtas ang mga gamot, produkto, at paraan kung paano ginagamit ang mga ito.
2. BUSINESS DEVELOPMENT REPRESENTATIVE
Ang business development representatives ang tumutulong sa marketing and sales departments ng mga kumpanya na mag-identify, mag-develop, at makipag-ugnayan sa new clients para maka-generate ng revenue.
3. INSIGHTS ANALYST
Ang insights analyst ang nagta-translate ng financial, customer, and market data ng mga kumpanya bilang insights na makakatulong sa mga negosyo na makagawa ng tinatawag na “more informed decisions.”
4. DELIVERY SPECIALIST
Ang delivery specialist ang nagma-manage ng projects para sa mga clients. Partikular na tungkulin nito na tiyakin na makukumpleto ang proyekto sa takdang panahon, at hindi lalampas sa inilaan na budget ang magagastos.
5. ANTI-MONEY LAUNDERING ANALYST
Tumutulong ang anti-money laundering analyst sa mga organisasyon na maka-comply sa anti-money laundering regulations sa pamamagitan ng pagmo-monitor sa financial transactions at pag-iimbestiga sa mga suspicious activity.
6. MEDIA ANALYST
Ang media analyst ang nagsusukat ng tagumpay ng advertising campaigns at iba pang marketing activities sa pamamagitan ng pag-aanalisa ng media data at pagmo-monitor ng media channels.
7. CUSTOMER SUCCESS SPECIALIST
Tumutulong ang customer success specialist sa mga negosyo na mapanatili ang existing customers sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong, pagresolba sa mga isyu, at pagkakaloob ng customer support.
8. VIRTUAL MEDICAL ASSISTANT
Ang virtual medical assistant ang namamahala sa maraming administrative and clerical duties para sa mga klinika at/o ospital gaya ng appointment scheduling, medical databases, and patient billing.
9. SALESFORCE CONSULTANT
Tumutulong ang salesforce consultant sa mga kumpanya na gumagamit ng Salesforce CRM software, at nagkakaloob ng expert guidance kung paano mas mapapakinabangan ang nasabing tool sa mga pangangailangan ng kumpanya.
10. DATA ENGINEER
Itina-transform ng data engineer ang mga “raw data” sa mas accessible and usable formats para naman sa mas masusi pang pag-aanalisa ng data scientists.
11. SECURITY OPERATIONS CENTER ANALYST
Responsable ang security operations center analyst sa pangangalaga sa computer network ng mga kumpanya.
12. DEVOPS ENGINEER
Ang DevOps engineer ang nagsisilbing middlemen sa pagitan ng software development and software operation teams para mas mapaganda pa ang end-user experience sa pamamagitan ng pagbabalanse sa pagre-release ng mga bagong features at pagpapanatili ng stability and security ng software.
13. PRODUCT OWNER
Responsable ang product owner sa lahat ng aspeto ng bagong produkto mula sa simula (idea phase) hanggang matapos ito (product launch).
14. CLOUD ENGINEER
Ang cloud engineer ang namamahala sa cloud-based system ng kumpanya, at responsable sa pagse-set up at patuloy na maintenance nito.
15. TAX ASSOCIATE
Tumutulong ang tax associate sa mga organisasyon na mag-file ng kanilang buwis nang tama, at magkaloob ng guidance sa lahat ng bagay na may kinalaman sa buwis.
Ayon sa LinkedIn, ang listahan ay isang sulyap lang sa emerging trends sa workforce.
Magsisilbi rin itong gabay kung paano paplanuhin ng isang individual ang kanyang career path—with resilience.
Ayon pa sa platform ay patuloy sa pag-evolve ang workplace, pero umaasa ang LinkedIn na ang listahan ay makapagbibigay ng insight kung ano ang mga trabahong mas in demand sa hinaharap.