Iro-rollout na sa general population ang ikalawang COVID-19 booster shot.
Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ngayong April 12, 2023, sa ginanap na DOH Media Forum.
Ayon kay Vergeire, "Batay sa updated emergency use authorization ng Food and Drug Administration at positibong rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council, maaari na po nating magamit ang ating mga bakuna na meron tayo ngayon upang makapag-second boosters na ang general population o ang ating healthy adults."
Hinihintay na lang aniya ng DOH ang ilalabas na implementing guidelines bago simulan ang rollout ng second boosters para sa general population.
Matatandaang ang second booster ay pinapayagan lang para sa frontline healthcare workers, senior citizens, at persons with comorbidities.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, nasa 78.4 milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Nasa 23.8 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng booster shots.