Good news para sa mga hindi pa nakapagparehistro ng kanilang SIM card!
Pinalawig pa ng pamahalaan ang pagpaparehistro ng SIM cards nang hanggang 90 araw, o hanggang July 25, 2023.
Inihayag ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong April 25, 2023 bago nagsimula ang ika-apat na inter-agency meeting para sa Oriental Mindoro oil spill.
Bago ang announcement ng extension, magtatapos dapat ang mandatory SIM registration sa April 26, 2023.
Read also: Validity ng rehistro ng lahat ng bagong-motorsiklo, magiging 3 years na
Batay sa itinakda sa ilalim ng SIM Card Registration Act, inaatasan ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) na mag-establish ng kani-kanilang registration platforms para makapagparehistro ang SIM card users.
Isa sa patakaran ay kailangang magpakita ng valid identification cards ang mga magpaparehistro.
Kung hindi maiparerehistro ang SIM card, ma-de-deactivate ito pagkatapos ng itinakdang petsa.
Ani Remulla, "Most of the services that come with the cellphones that are not registered will be cut off with the telcos.
"So, there will be a social media unavailability for those who do not register."
Read also: Twitter users kailangan nang magbayad para maging verified account
Nagkabisa ang implementing rules and regulations ng SIM Card Registration Act noong December 27, 2022, matapos maging ganap na batas ang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT), lumalabas na nasa kalahati lang ng subscribers ang nakapagparehistro sa kani-kanilang PTEs tatlong araw bago ang April 26 deadline.
Inirereklamo naman ng subscribers ang proseso ng registration dahil madalas mag-error.
Ipinayo ng telcos sa mga nagkakaproblema sa pagpaparehistro na magsadya sa kanilang tanggapan o sa mga itinalagang kiosks sa mga mall para mas mapadali ang proseso dahil may mga personnel na aalalay.